SINO ang mag-aakala na ang isang business tycoon ay makikipagtambalan sa kapwa niya bilyonaryong negosyante na dati ay mahigpit na katunggali sa mga malalaking proyekto sa ating bansa?
Oo. Ito ay si Ramon S. Ang ng San Miguel Corporation o mas kilala bilang RSA. Sa kabilang dako naman ay si Manuel V. Pangilinan na may palayaw na MVP.
Si RSA at si MVP ay nagsanib-puwersa sa isang tinatawag na ‘big-ticket’ project na nagkakahalaga ng P72 billion para sa konstruksiyon ng Cavite-Batangas Expressway (CBEX) at ng Nasugbu-Bauan Expressway (NBEX). Ang nasabing expressway ay may kahabaan ng mahigit na 90 kilometro. Ang nasabing proyekto ay planong idugtong ang Cavite-Laguna Expressway (CALAEX) na nagpapabilis at nagbibigay ginhawa sa biyahe ng mga motorista sa katimugan ng Luzon.
Noong Lunes, nagkaroon na ng pirmahan ang dalawang dambuhalang negosyante ng Pilipinas sa isang Memorandum of Agreement na sinisiguro ang pagsisimula ng napakagandang proyekto.
Hindi nag-atubiling bumisita si RSA sa tanggapan ni MVP sa Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) sa Makati upang pirmahan ang nasabing ugnayan.
Sina MVP at RSA ay kilala bilang magkatunggali, hindi lamang sa negosyo, kundi pati sa larangan ng palakasan. Ang dalawa ay may ilang koponan na kalahok sa Philippine Basketball Association o PBA. Ganoon din ang suporta nina RSA at MVP sa ilang amateur sports.
Dagdag pa rito, si RSA ay todo ang suporta kay MVP upang maging matagumpay ang pag-host natin sa nalalapit na FIBA World Cup.
Talagang marami ang posibleng mangyari sa paglipas ng panahon. Ang tambalang RSA at MVP sa larangan ng isports at mga malalaking proyektong pang-imprastraktura tiyak na makikinabang dito ay ang taumbayan at ang ating pamahalaan.
Sina RSA at MVP ay tunay na maituturing na tunay makabayan. Silang dalawa ay may galing at talino upang makapag-isip ng mga proyekto na makatutulong upang umangat ang ekonomiya ng ating bansa.
Tama na ang mga grupong mahilig manira at mainggit sa mga ginagawa ng mga taong tulad nila.
Puros batikos subalit walang solusyon. Puros angal subalit ayaw naman magbayad ng wastong buwis. Magpakatotoo tayo. Ang pagginhawa ng buhay ay nakasalalay sa magandang ekonomiya.
Ang ating pamahalaan ay kailangan ang pribadong sektor upang makatulong umangat ang ating ekonomiya.
Sana naman ang tambalang RSA at MVP ay magpatuloy at makapag-isip pa ng mga proyekto sa larangan ng patubig, koryente, telekomunikasyon, transportasyon, langis, pabahay at marami pang iba. Kapag matagumpay ang tambalang ito, nakasisiguro ako na sa loob ng sampung taon ang Pilipinas ay isa sa mga malakas na ekonomiya sa Asya. Mabuhay ang tambalang RSA at MVP.