HETO na naman ang panibagong isyu laban sa administrasyong Duterte na tila sinasakyan ngayon ng mga oposisyon at mga militante. Ito ay ang agresibong paninita at panghuhuli ng mga taong gumagala sa dis oras ng gabi. Ang tawag dito sa wikang Ingles ay ‘loitering’.
Subalit, dahil binansagan ng media na ang mga hinuhuli o sinisita ng kapulisan ay mga ‘tambay’ o ‘istambay’, nagkaroon ng butas ang mga tutol sa kasalukuyang administrasyon at sinasabi na labag ito sa karapatang pantao.
Teka. Bakit ba ito ginagawa ng kapulisan? Ito ay iniutos ni Duterte upang pigilan ang kriminalidad sa ating lipunan. Ang mga sinisita ng mga pulis ay ang mga kabataan at mga may edad na gumagala sa kalsada na tila walang malinaw o sapat na dahilan. Ito ang mga kabataan na nasa labas ng hatinggabi at naglalaro ng Dota o computer games. Nandiyan din ang mga umiinom sa kalye at kapag nalasing ay nanggugulo sa mga kapitbahay nila. Nandiyan din ang mga ‘gang’ ng mga kabataan na nag-aaway sa hatinggabi. Nagbabatuhan ng bote at kung ano pang mapulot nila at ipinupukol sa kalabang grupo. Minsan pa ay may nasasaktan o namamatay na mga inosenteng biktima dahil sa maling pagkakamalan. Ang mas malala ay ang mga gumagala sa dis oras ng gabi na ang pakay ay magnakaw sa bahay o ng motorsiklo.
Maaaring pumatay ng mga tao sa loob ng bahay o manggahasa. Sa madaling salita, ginagawa ng kapulisan ang pagronda upang mahinto ang mga ganitong kaganapan o krimen. E, kung malinaw naman na pauwi ka lang sa bahay galing sa trabaho at wala kang dalang droga o ilegal na sandata, wala kang dapat katakutan.
Malinaw naman na ang mga ginagawa ng kapulisan ay batay sa mga lokal na ordinansa. Malinaw rin ang paliwanag ni PNP Chief Oscar Albayalde na ang unang hakbang ng mga pulis ay manita sa mga gumagalang tao at dinadala sa presinto at pinagsasabihan. Hindi sila ikinukulong. Ang mga hinuhuli lamang ay ang mga gumagala na kahina-hinala. Papaano nila malalaman kung kahina-hinala ang isang tao kapag hindi nila sisitahin?
Heto na naman si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at sinakyan ang nasabing isyu. Hindi na nagsawa na sumasawsaw sa halos lahat ng isyu na parang ang lahat ng nangyayari sa ating bansa ay mali. Mayroon na ba kayong nabasa na balita na may pinuri si Zarate maliban sa mga kapwa niya militante? Wala! Haaaay.
Emosyon ng mga mahihirap ang inuudyok ni Zarate. Sinasabi niya na ang mga walang trabaho at naghihirap ang target ng panghuhuli ng mga gumagalang mga tao sa hatinggabi. Hindi po ‘yun ang punto rito, Ginoong Zarate. Ang punto po rito ay ang pangkalahatang benepisyo ng mamamayan ng naghahanap ng kaayusan, katahimikan at seguridad laban sa mga kriminal. Walang pinipili ang mga masasamang tao kung mahirap ka o mayaman. May mayaman diyan na druglord o mandurugas sa negosyo. May mahirap din na masama at sangkot sa droga at kriminalidad.
May lakas loob ka pang humingi ng imbestigasyon dito? Haaaay! Ayusin mo na lang kaya ang hanay mo na huwag manggulo sa mga rally ninyo na nagdudulot ng traffic sa lansangan. Ang mga pineperwisyo ninyo ay ang mga tunay na nagbabayad ng buwis at may marangal na trabaho.
Ang dapat na ginagawa mo ay makipagkoordinasyon sa DSWD at ibigay mo ang pondo mo para sa anti-poor programs at tutukan mo kung tama ang paggastos ng pondo mo na nanggagaling din sa amin na nagbabayad ng tamang buwis. Mas mararamdaman pa ‘yan ng mga mahihirap.
Comments are closed.