NAKATUON ang Department of Labor and Employment (DOLE) Research Conference ngayong taon sa pagbuo ng mga partnership at pagtiyak sa pangmatagalang solusyon upang matugunan ang mga umuusbong na hamon dala ng modernong lugar-paggawa sa dalawang araw na research conference na ginanap sa Maynila.
Sa pangunguna ng Institute for Labor Studies (ILS), nagsama-sama sa 13th DOLE Research Conference ang mga researcher mula sa mga bureau at attached agency ng Kagawaran, gayundin ang iba pang mga scholar, policymaker, at program manager ng pamahalaan, organisasyon ng mga manggagawa, grupo ng employer, at iba pang mga kasosyo upang ibahagi ang kanilang mga research findings sa mga pangunahing isyu sa paggawa.
Itinampok sa kumperensiya ngayong taon, na may temang “Building Synergies and Sustainability for a Future-Ready Filipino Workforce,” ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng mga pangunahing tanggapan sa merkado ng paggawa at pagpapanatili ng mga hakbangin sa paglikha ng matatag na lakas-paggawa na may kakayahang harapin ang mga hamon sa hinaharap.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Labor Undersecretary Atty. Benedicto Ernesto R. Bitonio, Jr. ang mga researcher ng DOLE na ipagpatuloy ang paninindigan sa kanilang pangako para sa totoo, batay sa ebidensiya, wasto, at nabeberipikang pananaliksik, na nakatuon sa mga kritikal na isyu na may kaugnayan sa mga polisiya na maaaring magbigay-liwanag at kalinawan na magagamit ng mga lumilikha ng batas.
“Hinihikayat ko ang mga mananaliksik na maging tapat sa disiplina at pamamaraan ng pananaliksik at linangin ang isang tiyak na antas na may paggalang sa pagharap sa mga isyu sa trabaho at paggawa, upang palawakin ang kanilang impluwensya sa pagbabalangkas ng mga pampublikong patakaran,” pahayag ni USec Bitonio.
Samantala, sinabi ni ILS Executive Director Jeanette T. Damo na naniniwala siya na magiging maganda ang resulta ng research conference ngayong taon.
“Umaasa kami na ang mga talakayan at presentasyon sa susunod na dalawang araw ay magbibigay ng napakahalagang pananaw, magpapasiklab sa isang matatag na samahan, at magbibigay ng inspirasyon sa produktibong pagtutulungan habang binubuo natin ang isang napapanatiling hinaharap para sa mga manggagawang Pilipino.” wika ni ED Damo.
Nakasentro ang mga presentasyon sa apat na subtheme, tulad ng pagbalik-tanaw sa panlipunang proteksyon sa trabaho, pagbuo ng isang matatag na lakas-paggawa sa pamamagitan ng makatarungang transisyon, pagprotekta sa mga karapatan sa paggawa at pagtataguyod sa kapakanan ng mga manggagawa sa nagbabagong mundo ng paggawa, at pagtataas sa ugnayan sa paggawa at panlipunan tungo sa inklusibong pag-unlad at kapayapaan sa industriya.
Sa pangunguna ng ILS, walong research initiatives sa apat na subthemes ang nakatakda para sa kumperensya ngayong taon na nakatuon sa epekto ng artificial intelligence sa merkado ng paggawa, kalusugan pangkaisipan sa lugar-paggawa, makatarungang transisyon sa green jobs at blue economy, good practices sa pamamahala ng relasyon sa paggawa at pagsunod sa mga batas-paggawa, pag-aayos ng mga hindi pagkakaunawaan ng dalawang partido para sa pagpapanatili ng kapayapaang pang-industriya, transformative framework ng social amelioration program sa industriya ng asukal, ang ilan sa mga nabanggit.
Iprinisinta din ng International Labor Organization (ILO) ang kanilang mga ulat sa pandaigdigang pananaw sa Artificial Intelligence (AI) at ang gamit nito para sa mga social at labor researchers. Itinanghal naman ni Atty. Jayvy Gamboa ng Manila Observatory ang makatarungang transisyon sa pamamagitan ng pagtingin sa lente ng legal at panlipunang hustisya.
Pormal na isinara ni Assistant Secretary Lennard Constantine Serrano ang research conference ngayong taon sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanyang pasasalamat sa lahat ng mga kasapi para sa pagbabahagi ng kanilang mga pananaw at produktibong pakikilahok sa mga talakayan.