TANAY INSURGENCY-FREE NA

RIZAL- BUONG pagmamalaking inanunsyo ng 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division, Philippine Army na malaya na sa impluwensiya ng insurhensiya ang bayan ng Tanay matapos ang isinagawang seremonya sa Tanay Municipal Hall nitong Lunes.

Pinangunahan ng Tanay Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pamumuno ni Tanay Mayor Rafael Tanjuatco katuwang ang 202nd Infantry “Unifier” Brigade at 80th Infantry “Steadfast” Battalion, ang paglagda sa Memorandum of Understanding at pagdedeklara bilang Stable Internal Peace and Security o SIPS ng nasabing bayan.

Nakiisa rin sa seremonya sina Vice Mayor Rex Manuel Tanjuatco, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) 4A Assistant Regional Director for Operations Mr. Ysmael Leyva kasama si 2nd District Board Member Hector Robles na siyang kumakatawan kay Rizal Provincial Governor Nina Ricci Ynares, 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division Commander Maj. Gen. Roberto Capulong, 202nd Infantry “Unifier” Brigade Commander Brig. Gen. Cerilo Balaoro Jr., Area Police Command-Southern Luzon Commander Lt. Gen. Rhoderick Armamento at Rizal Police Provincial Office Provincial Director Col. Dominic L Baccay.

Parte rin ng seremonya ang paglagda sa Pledge of Commitment at redeclaration sa CPP-NPA-NDF bilang persona non-grata sa bayan ng Tanay.

“Ang pagdedeklara ng ‘insurgency free’ sa bayan ng Tanay ay patunay lamang na pwedeng makamit ang kapayapaan at seguridad sa pamamagitan ng pagtutulungan ng ibat ibang sektor ng pamahalaan, komunidad at stakeholders,” ayon naman kay 2nd Infantry Division Commander Maj. General Roberto Capulong.

“Ang tagumpay na ito ay simbolo ng patuloy ng katahimikan at magandang kinabukasan hindi lamang sa Tanay kundi sa buon probinsya ng Rizal.” Ani Maj. General Capulong. VERLIN RUIZ