MULING ipinakita ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos ang pangunguna sa kanyang mga kalaban sa pre-election survey makaraang makakuha ng 57.67 % preference votes sa halalan gamit ang mobile phone technology na isinagawa ng research firm na Tangere nitong Enero 18-19, 2022 gamit ang 2,400 respondents.
Pumangalawa si Isko Moreno na may 16.75 % habang si Leni Robredo ay pumangatlo sa 15.08 percent.
Pang-apat si Panfilo Lacson sa 4.71 % habang si Manny Pacquiao ay pumanlima sa 4.29 % habang ang tirang 1.04 % ay pinaghatian ng ibang kandidato.
Tinanong ang respondents ng “kung ngayon gaganapin ang eleksiyon, sino sa mga sumusunod ang iboboto mong Pangulo?”
Ang parehong survey ay nagpakita rin na 3 sa 5 tagasuporta ni Marcos ay hindi magbabago ang kanilang isip at ganap na nakatuon sa pagboto at suporta sa kanya sa lahat ng paraan.
Kabaligtaran ito para sa 50 porsiyento ng mga bumoto kay Leni na nagpahayag na malamang na magbago ang kanilang isip, habang si Isko ay mayroon lamang isa sa tatlong respondents na nakatuon sa pagsuporta sa kanya.
Gayundin, 83 porsiyento ng mga tagasuporta ng running mate ni Marcos na si Sara Duterte ang nagdeklara na iboboto nila siya. Sa nasabing bilang, 85% ay mula sa Northern Luzon habang 83% ay mula sa Mindanao.
Sa vice presidential race, nanalo rin si Inday Sara ng isang milya na may 53.17 % preference votes na sinundan ni Tito Sotto na may 19.42 %.
Si Willie Ong ay pumangatlo na may 15.74 %, sinundan ni Kiko Pangilinan na may 5.96 %, habang ang iba pang vice presidential bets, kabilang si Lito Atienza, ay nahati sa natitirang 2.17%.
Ang Tangere ay isang award-winning na kompanya ng pananaliksik sa merkado na dalubhasa sa teknolohiya ng mobile application at pakikipag-ugnayan sa social media sa pagsasagawa ng pananaliksik at mga survey nito.
Nakapagsagawa na ito ng 500 surveys – commissioned and non-commissioned at mayroong active respondent base na 599,998.
Sa halos apat na buwan bago ang halalan sa Mayo 9, 2022, mas pinatibay ng mga pinakabagong resultang ito ang posisyon ni Marcos bilang malakas na paborito na manalo sa karera ng pagkapangulo, tulad ng mga resulta ng iba pang survey bago ang halalan na nagpakita sa kanya na nangunguna ng isang milya sa kanyang mga karibal.