NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kanilang babawian ng prangkisa ang mga operator na lalahok sa tigil-pasada na inorganisa ng mga miyembro ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) sa Lunes, Setyember 30
“Ang prangkisa, pribilehiyo ‘yan at hindi karapatan. Nakasaad sa pribilehiyong ‘yan ang responsibilidad ng operator na bigyan ng komportableng biyahe ang kanyang pasahero. Kung magtitigil-pasada sila, sino ang kawawa? Pasahero. Sana maisip nila ‘yon,” pahayag ni LTFRB Chairman Martin B. Delgra III.
Pinasalamatan naman ng LTFRB ang mga transport group at cooperative na nagpahayag ng suporta sa programang modernisasyon ng gobyerno, maging ang mga grupong nangakong hindi sila makikilahok sa tigil-pasada sa Lunes.
Sa harap ng napipintong transport strike sa Lunes, tiniyak ng LTFRB, sa pakikipagtulungan sa iba pang sangay ng gobyerno kabilang ang MMDA at mga lokal na pamahalaan, na mayroon itong ‘contingency measures’ para maibsan ang epekto ng ikinakasang strike sa mga mananakay.
Una nang iginiit ng nasabing transport group na wala nang atrasan pa ang ikakasa nilang malawakang tigil-pasada sa Lunes bilang pagtutol sa programang modernisasyon ng gobyerno.
Matatandaang una nang kinansela ng LTFRB ang 20 Certificates of Public Convenience (CPC) ng mga public utility vehicle operator at driver na napatunayang lumahok sa transport strike na pinangunahan ng PISTON noong 2017.
Ayon kay Delgra, ang pagsali sa tigil-pasada ay tahasang paglabag sa LTFRB Memorandum Circular No. 2011-004, na nagsasaad na ang paglahok sa anumang klaseng protesta na magdudulot ng abala sa mga pasahero ay isang pagsuway sa prangkisang iginawad ng pamahalaan sa mga operator.
“Lumabag sila noon, harapin nila ang kinahinatnan ngayon. Hindi kami mangingiming ipatupad ang kautusang ito dahil hindi isinaalang-alang ng mga nagtigil-pasada ang kapakanan ng mga pasahero. Ang laki ng aberyang idinulot nito sa publiko,” dagdag pa ng LTFRB chief. BENEDICT ABAYGAR, JR.