TANGGAL SI ZUBIRI BILANG SENATE PRESIDENT DAHIL “NOT FOLLOWING INSTRUCTIONS”

ITO ang pinakamainit na balita na tumambad kahapon. Pinalitan na si Migz Zubiri ni Chiz Escudero bilang Senate President.

Kaya lumutang na naman ang dalawang Hapon bilang source ng balita kung bakit natanggal si Sen. Zubiri bilang pinuno ng Senado. Ang nasabing mga source ay sina Mr. Hakahaka at Mr. Kurokuro.

Maraming tsismis ang kumakalat ngayon kung bakit mayorya ng mga miyembro ng Senado ay biglang nagpasya na palitan ang kanilang lider.

May anggulo na masyado raw mahigpit si Zubiri sa mga alituntunin o estilo ng kanyang pamamalakad ng Senado.

Ayon kay Mr. Hakahaka, tila hindi maganda ang pangangasiwa ni Zubiri sa mga ilang imbestigasyon na nangyayari sa mataas na kapulungan tulad ng imbestigasyon tungkol sa isyu ng PDEA at POGO.

Ang bersyon naman ni Mr. Kurukuru ay ang pangyayaring bangayan sa pagitan nina Sen. Bong Revilla at Migz Zubiri tungkol sa malimit na absent tuwing sesyon na nagsilbing ‘huling baraha’ ni Zubiri at nagsanib-puwersa ang mayorya ng mga miyembro ng Senado na palitan siya bilang Senate President.

Hmmmmm. Parang tinamaan yata ang sensitibong isyu para sa karamihan ng mga senador kung ang pag-uusapan ay ang malimit na hindi nakikita sa sesyon.

Sinita kasi ni Zubiri si Revilla kung bakit malimit ang kanyang hiling na hindi magpakita sa sesyon at panay Zoom session na lang. Naoperahan kasi sa paa si Revilla kamakailan kaya naman pinayagan siya ni Zubiri.

Si Sen. Francis Tolentino naman ang parang naging pasimuno sa isyung ito. Tinanong niya kasi sa plenaryo na nakikita niya si Revilla sa sesyon samantalang tila masama ang kondisyon dahil may dala-dalang pantukod sa paa.

Ngunit sinagot ni Zubiri na ayon sa alituntunin o rules, malinaw na ang maaari lamang mag-absent ay kapag may sakit na nakahahawa tulad ng Covid-19, ebola, tuberculosis at mga parehas na uri ng sakit. Kasama na rin dito na maaaring hindi pumasok ang isang senador ay kapag malala ang sakit at hindi maaaring bumangon sa higaan.

Sinita ni Zubiri ang pag-absent ni Revilla sa session. Dahil sa kondisyon ni Revilla na hindi umano makalakad dahil sa kanyang operasyon sa paa, eh bakit nakita siya sa isang pagtitipon sa Manila Polo Club na kasama si Pangulong Marcos at nakatayo pa si Revilla na walang gamit na tungkod.

Dagdag pa ni Zubiri na may isang senador na humiling na kailangang mag-absent dahil daw magpapa- medical check-up. Hindi ito pinayagan ni Zubiri. “Kailan mahihinto ang mga ganitong kalakaran?” ang sinabi ni Zubiri sa plenaryo.

Umalma ang ilan sa mga senador sa sinabi na ito ni Zubiri. Kinuwestiyon ito ni Sen. Imee Marcos upang linawin ang mga alituntunin tungkol sa pagiging absent sa session. Tumayo din sina Sen. Poe at Villar. Samantalang matamang nakikinig habang nakaupo si Sen. Lapid.

Nilinaw naman ni Majority Floor Leader Joel Villanueva na maaaring amyendahan ang mga alituntunin sa mga dahilan upang payagan na maging absent sa sesyon. Kaya naman humupa na ang bangayan sa loob ng plenaryo.

Matapos ng ilang araw, napalitan na si Sen. Zubiri bilang Senate President.

Sa kanyang panayam sa mga reporter sa Senado kung bakit siya pinalitan bilang Senate President, marahil daw ay “FOR NOT FOLLOWING INSTRUCTIONS”.