PAGKAKAROON ng sariling lupa at bahay ang isa sa mga pinapangarap ng mahihirap na Pilipino mula noon hanggang ngayon.
Ayos na sa kanila kahit maliit na bahay na nakatayo sa mumunti ring lote.
Ang nais lang nila ay magkaroon ng tahanan na masasabing sarili nila.
Sa totoo lang, maraming administrasyon na ang lumipas.
Habang umiinog ang mga taon, marami pa ring hindi naaabot ang pangarap na bahay sa kapiranggot na lote.
Patuloy silang nangungupahan at palipat-lipat sa kung saan-saan.
Aba’y marami nang Presidente ang nagsilbi mula nang bumagsak si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986.
Ang masaklap, tila lalo pang lumala at hindi malunasan ang problema sa pabahay.
Ngayong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang nakaupo, magkakaroon na raw ng katuparan ang pangarap ng maraming kababayan natin na magkabahay ng sarili nila.
Sa ilalim ng “Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program,” target ng administrasyong Marcos na makapagpatayo ng isang milyong housing units bawat taon o anim na milyon sa loob ng anim na taon, mula 2022 hanggang 2028.
Pinaaapura ito ni PBBM sapagkat nais niyang masolusyunan ang kakulangan sa bahay ng maraming mamamayan partikular ang mga kapus-palad.
Kapag nagtagumpay ang proyekto, masasabing solido at signipikanteng pamana ito ng Presidente.
Sabi nga, “ambitious” at hindi biro ang programang ito ni Marcos na pinangungunahan ni Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino “Jerry” Acuzar.
Para sa iba, masyadong mataas ang target na numero ng pamahalaan dahil kung titingnang maigi ang mga nagawa ng mga nagdaang administrasyon, pumalo lamang sa 200,000 per year ang pinakamataas na average number ng mga naipundar nitong pabahay.
Sabagay, matagal na sa industriya si Sec. Acuzar at may dahilan naman siya para taasan ang puntirya nilang numero dahil sa matagal niyang paglilingkod sa New San Jose Builders Inc.
Napapanahon ang proyektong ito ng Pangulo dahil sa dumaraming bilang ng mga walang sariling bahay at lupa lalo na sa Metro Manila.
Galing probinsiya at nag-squat sa maraming lugar ang karamihan sa kanila.
Kung saan-saan na lang naglalagay ng munting tahanan kung saan pati pampang ng estero ay tinatayuan ng barung-barong habang may mga nagsusulputan din sa mga tabi ng riles.
Suportado ng maraming financial institutions ang mass housing program na ito ni PBBM, katulad ng Pag-IBIG, Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), at iba pa, kabilang ang pribadong sektor.
Nakabibilib ang programa ito ng gobyerno.
Kung iisipin natin, parang mahirap ngang gawin ito.
Subalit kayang-kaya naman daw.
Magiging “doable” nga naman ito kapag nagkaroon ng “full implementation” ng Republic Act No. 7279 o ang Urban Development and Housing Act (UDHA).
Nawa’y hindi ito matulad sa mga dating housing program na nasayang.
Ang pinakamabuting gawin ay isalang sa masusing pag-iimbestiga ang mga benepisyaryo ng pabahay.
Tingnang maigi ang mga pagkakalooban para hindi masayang ang programa.
At para naman hindi mahirapan sa pagbabayad ang mga benepisyaryo, dapat gawin itong abot-kaya, at higit sa lahat, tiyaking may kuryente at tubig.
Sa tingin ko, dapat ding durugin ang red tape na nagiging sagabal sa pagsulong ng housing program para sa mga mahihirap.
Tandaan na kapag pumalpak ito, masasayang lang ang pera para rito na galing din naman sa buwis ng taumbayan.