TANGGAP BA NG MAMAMAYAN ANG WHITE SAND SA MANILA BAY?

Magkape Muna Tayo Ulit

ANG kontrobersiyal na paglalagay ng white sand sa dalampasigan ng Manila Bay ay umani kamakailan  ng batikos mula sa umano’y  environmental group at sa mga oposisyon ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Sinasabi nila na mapanganib ang pinulbos na dolomite na mga bato upang gawing artificial white sand para sa piling bahagi ng dalampasigan ng Manila Bay. Ang iba naman ay sinasabi na sa kalagitnaan ng krisis ng pandemyang COVID-19 na nangangailangan ng karagdagang pondo mula sa gobyerno, heto at mas inatupag pa ang pagpapaganda ng Manila Bay na nagmula sa pondo ng DENR.

Sa kabilang dako naman, ang mga nagtatanggol sa pagpapaganda ng Manila Bay ay sinasabi na pagmamalabis ang sinasabi nilang balita tungkol sa ‘crushed dolomites’. Mali at baluktot daw ang pinalalabas nila na parang kasing panganib ito sa paglanghap ng nakalalasong asbestos. Sinagot din ng DENR na ang pondo na ginamit nila ay matagal nang nakalaan para sa pagpapaganda ng Manila Bay. Mahigit isang taon na ang nakalipas na aprubado ang nasabing pondo mula sa Kongreso.

Ang mayor ng Maynila na si Isko Moreno ay isa rin sa masugid na nagsasabi na walang masama sa paglagay ng white sand sa Manila Bay. Nagpapasalamat pa nga siya sa administrasyon ni Duterte. Para kay Moreno, ngayon lamang napagtuunang mabuti ang paglilinis ng Manila Bay simula pa noong limang pamahalaan na nakaraan na nagmula kina Aquino, Ramos, Estrada, Arroyo at PNoy.

Sa magkabilang pananaw sa nasabing isyu, ano kaya ang masasabi ng nakararaming mamamayang Filipino, lalo na ang mga kababayan natin na malapit sa Manila Bay?

Marahil maganda rin na pagbasehan natin ang dumagsang mga tao nitong Sabado at Linggo sa Manila Bay upang makita nila nang personal ang nasabing kontrobersiyal na proyekto. Marami ang pumunta sa Roxas Boulevard para makakita  ng magandang tanawin ng Manila Bay. Walang nag- rally. Walang nagprotesta. Sila ang mga ordinaryong Filipino na nais lamang tingnan at obserbahan ang nasabing kontrobersiyal na proyekto. Tila ang lahat ay natuwa sa kanilang nakita.

Umabot pa nga sa punto na sinibak ang Station 5 commander ng PNP dahil nabigo silang ipatupad ang social distancing sa nasabing lugar. Dapat kasi ay limitado lamang sa 70 na katao ang maaaring makapasok sa sinasabing “Manila Bay Sands” at mananatili lamang doon sa loob ng tatlong minuto. Hindi ito nasunod.

Para sa akin, wala akong nakikitang masama sa nasabing proyekto. Pinangungunahan natin ng masamang balita na nagdudulot ng pananakot sa publiko. Subalit walang sapat na batayan ang kanilang mga akusasyon. Kung kalikasan ang pag-uuspan na maaaring makasira ng marine life, eh ano pa bang marine life ang pinag-uusapan natin sa Manila Bay? Wala na, hindi po ba? Panahon na upang umpisahan ang pagbabalik ng ganda at tanawin ng Manila Bay na dating pamoso sa buong mundo. Pati ang mga ibaong tagak ay nagsimula nang makita sa buhangin ng Manila Bay. Walang pinapanigan ang mga ito. Hindi sila marunong mamulitiko.

Kung mayroon mang nabubuhay at sumisira sa planong ibalik ang kagandahan ng Manila Bay, ito ay ‘yung mga taong may UTAK TALANGKA!

Comments are closed.