NAPANSIN ko na bumalik ulit sa YouTube ang mga posting ng clearing operations at pagti-ticket sa illegal parking ng Manila City Hall at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Matatandaan na ang lahat ng lungsod sa Metro Manila ay binigyan ng taning ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na linisin ang mga ilegal na estruktura at mga nakaparadang sasakyan na nagiging sanhi ng pagsisikip ng ating kalsada at nagreresulta sa matinding trapik, lalo na sa ating Mabuhay Lane na nagsisilbeng alternatibong daan bukod sa EDSA.
Nag-ugat ito sa direktiba ni Pangulong Duterte na ibalik ang paggamit ng mga sidewalk sa tao. Puspusan ang kampanya rito. Kaliwa’t kanan ang mga balita ng kanya-kanyang lungsod.
Subalit matapos ang nasabing deadline na ibinigay ng DILG at naglabas ng ulat dito, tila nawala na ang alab sa pagpapatuloy ng nasabing kampanya. Ang naiwan na patuloy sa pagsasagawa nito ay ang Maynila at MMDA. Marahil ang mga ibang lunsod ay patuloy pa rin sa mga ginagawa nila subalit hindi napapabalita. Ganoon pa man, mahalaga na ito ay nalalaman ng publiko sa pamamagitan ng YouTube o ano mang pamamaraan ng pagbabalita. Mahalaga ito upang malaman ng mga pasaway na motorista at mga tao na bawal ang mga ginagawa sa maling pagparada at pagharang ng mga sidewalk.
Kaya ayan, atapos na manahimik ang nasabing kampanya laban sa illegal parking at clearing operations, yumabang at umangas muli ang mga pasaway. Makikita ninyo sa YouTube kung paano nila awayin, labanan at kuwestiyonin ang mga awtoridad sa pagsita sa mga lumalabag sa batas trapiko.
Kung nais ninyong makita at maintindihan ang aking sinasabi, bisitahin ninyo ang YouTube at panoorin ang mga naka-post na kampanya ng Manila City Hall at MMDA laban sa illegal parking at clearing operation. Mayroon diyan, ultimong babae ay napakataray dahil hindi niya matanggap na nilalagyan ng ‘clamp’ ang gulong ng kanyang sasakyan dahil illegal parking siya. Sinisipa pa niya ang ‘clamp’ habang kinakabit ito ng tauhan ng Manila City Hall.
Mayroon ding makikita sa YouTube na isang lalaki na pinipilosopo ang mga MMDA traffic enforcer. Tila hindi sila naniniwala na tunay silang tauhan ng MMDA maski na makikita ang maraming enforcers kasama ang kanilang lider at sandamakmak ng mga sasakyan ng MMDA. Aba’y tinatanong pa niya kung ano pangalan ng enforcer.Tila nanduduro na tatandaan ang kanyang pangalan at isusumbong sa mga nakatataas na mga opsisyal ng MMDA.
Sinasabi ko sa inyo, iba na ang siste ngayon. Iba na ang kalakaran sa mga bagong mga namumuno ng ating pamahalaan tulad ng MMDA at karamihan ng mga mayor ng Metro Manila. Talagang doon lamang sila sa tama. Ang dating kinaugaliang ‘padrino’ o palakasan system ay nawawalan na ng impluwensiya.
Tama ang kalayaan at demokrasya. Subalit tila naaabuso ito at hindi malinaw na naiintindihan ng karamihan sa ating mga mamamayan. Sanay ang lahat sa atin na malakas magreklamo sa mga kamalian ng ating lipunan. Subalit kapag personal na maapektuhan sa mga reporma at pagbabago ng ginagawa ng gobyerno ay hindi nila tatanggapin. Panahon na para magkaroon ng disiplina sa ating mga mamamayan at handang magsakripisyo ng kaunti upang magkaroon ng kaayusan.
Comments are closed.