DINISKARIL ng Philippine Army ang tangka ng New People’s Army (NPA) na nakawin ang mga relief supplies na para sa mga pamilya na apektado ng bagyong “Odette” sa Southern Leyte.
Ito ay matapos makasagupa ng mga tropa ng 14th Infantry Battalion ng Philippine Army ang mga NPA na nagtayo ng road block para harangin ang relief convoy sa bahagi ng Sitio Panaghiusa, Brgy.
Katipunan, Abuyog, Leyte bandang 9:45 kagabi.
Sinabi ni 8th Infantry Division (8ID) Spokesperson Cpt Ryan Layug, ito ay kalimitang taktika ng NPA na ginawa na nila sa mga sundalo at pulis na naghahatid ng ayuda at bakuna, kaya naka-alerto na ang mga sundalo.
Ayon kay 8ID Commander Major General Edgardo De Leon, nakatanggap ang militar ng tip mula sa mga residente na balak ng NPA na kunin ang mga relief goods at ipamahagi ito sa mga biktima ng bagyo para palabasin na sa kanila nanggaling ang tulong.
Sinabi ni M/Gen. de Leon na kasalukuyang tinutugis ng mga tropa ang mga nagsitakas na NPA matapos ang engkwentro, kung saan 1 armas ang naiwan ng mga kalaban.