BULACAN – Masaya, makulay, makasaysayan.
Ganito mailalarawan ang Tanglawan Festival na ipinagmamalaki ng San Jose Del Monte City, at ipinagdiriwang mula Setyembre 1 – 10 ngayong taon na may temang “Kasaysayan ng Lahing San Joseno, Linangin at Pagyamanin.”
Nakaangkla ang nasabing pagdiriwang sa ika-18 anibersaryo ng pagsasalungsod ng San Jose del Monte City batay na rin sa Republic Act 9750.
Layunin ng nasabing pagdiriwang na ipakilala sa buong Filipinas bilang “Rising City” at ilabas ang potensiyal ng San Jose del Monte bilang premyadong lungsod sa lalawigan ng Bulacan at maging kauna-unahang Highly Urbanized City sa Bulacan.
Itatampok sa nasabing pagdiriwang ang 32 programa sa iba’t ibang panig ng San Jose del Monte na higit na magpapatingkad sa mayamang kasaysayan ng lungsod na masasabing produkto ng pagsasasaling-bayan at pagkaiba-iba ng kulturang kinagisnan.
Binubuklod ng Tanglawan Festival ang humigit sa kalahating milyong populasyon ng lungsod na pinasimulan noong 2016 sa administrasyon nina Mayor Arturo B. Robes at Congresswoman Florida P. Robes, kasabay rin sa pagbabagong bihis ng lungsod sa pamamagitan ng mas maaayos na imprastruktura at mas aktibong mga programang panlipunan.
Matatandaan noong nakaraang taon kasabay ng ikalawang Tanglawan Festival ay nasungkit ng Lungsod ng San Jose del Monte ang Guinness World Record sa Largest Lantern Parade kung saan 14,386 na San Joseño ang nagkaisang pumarada hawak ang mga resiklong lampara na nagpapakita rin ng pagiging makakalikasan.
Kaugnay ng pagkamit ng Guinness World Record, ginawaran din ngayong 2018 ang lungsod bilang Most Environment Friendly City sa buong Pilipinas.
Sa kabilang banda, ngayong taon din ay ipagdiriwang ng lungsod ang ika-100 anibersaryo ng pagsasarili o paghiwalay mula sa bayan ng Sta. Maria at maging ganap na Munisipalidad ng San Jose del Monte sa ilalim ng rehimeng Amerikano. A. BORLONGAN
Comments are closed.