TANKER OTOM UMUSAD SA MEDAL ROUND

UMABANTE si Para swimmer Angel Otom sa finals ng women’s 50m backstroke-S5 event sa 2024 Paris Paralympics.

Sa kanyang unang Paralympics, ang quadruple gold medalist sa Asean Para Games ay naorasan ng 44.03 seconds upang tumapos sa fourth sa Heat 1 at seventh overall sa preliminary round ng event nitong Martes sa Paris La Defense Arena. Tanging ang top 8 sa 16 kalahok ang uusad sa finals.

“Sobrang ganda ng experience ko at nakaka-proud talaga. Kinakabahan din ako as an athlete pero overall masaya,’’ sabi ni Otom.

Kinuha nina China’s Lu Dong (39.48), tangan ang world at Paralympic record, He Shenggao (41.31), at Liu Yu (42.59) ang top three spots ng event.

“She’ll definitely go all out in the final. It’s six hours from now, so for now magpapahinga muna Angel as we mentally prepare her for the next race,’’ wika ni national para swimming assistant coach Bryan Ong.

Gaganapin ang finals sa Miyerkoles, alas-12:34 ng umaga, oras sa Pilipinas.