BULACAN- APAT na drug peddlers kabilang ang Deputy Chief ng Barangay Tanod sa bayan ng Calumpit ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit(SDEU)sa tatlong magkakasunod na buy-bust operation sa bayan ng Bulakan,Calumpit at Hagonoy kamakalawa ng gabi.
Sa report kay Col.Rommel J. Ochave, acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang mga naarestong sina Dante Banag,52-anyos, Deputy Chief ng Barangay Tanod ng Barangay Poblacion,Calumpit; Rosario Cordero alias Rio ng Barangay Balubad, Bulakan; Christopher Fajardo alias Bojie ng Barangay San Agustin,Hagonoy at Ruben Tagayon alias Ben ng Malolos City sa Bulacan.
Nabatid na dakong alas-7 nitong Huwebes ng gabi nang unang nadakip ng SDEU ng Bulakan Municipal Police Station(MPS) sa buy-bust operation ang drug pusher na si Cordero sa Barangay Balubad, Bulakan at makaraan ang isang oras ay natimbog din ng Calumpit police ang deputy chief ng Barangay Tanod ng Poblacion,Calumpit na nakumpiskahan sa anti-illegal drug operation ng tatlong pakete ng shabu at buy-bust money.
Huling nakorner pasado alas-11 ng gabi ang magkatropang tulak na damo na sina Fajardo at Tagayon sa Barangay Sta.Monica, Hagonoy kung saan galing pa sa siyudad ng Malolos ang damo na narekober ng SDEU ng Hagonoy police sa buy-bust operation.
Nakarekober ang awtoridad sa tatlong operasyon ang kabuuang pitong pakete ng shabu at anim na pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana bukod pa sa buto ng damo at buy-bust money. MARIVIC RAGUDOS