TANYAG LIKHA SA BUWAN NG PANITIKAN

TANYAG LIKHA

TAMPOK sa pagdiriwang ng Taliba’t Salimbayan sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman ang “Tanyag Likha” o lunsad-aklat at panayam mula sa mga piling iskolar sa panitikan, musika, teatro, at sining. Ito ay parehong pagkilala sa mga bagong pananaliksik at produksiyong pampanitikan ng mga guro mula sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at pagpupugay rin sa mga nagsusulong ng panitikan mula sa iba-ibang disiplina. Pinal na bahagi ng programa ang “Tanyag Likha” para sa Buwan ng Panitikan 2019.

Idaraos ito sa 26 Abril 2019 mula ala-1 hanggang ala-5 n.h. sa Ishmael Bernal Gallery, UP Film Institute.

Sama-samang ilulunsad sa Tanyag-Likha ang mga pag-aaral at akdang nalathala ng kaguruan taong 2018 mula sa tatlong palim-bagan. Mula sa Sentro ng Wikang Filipino ang Wika at Pasismo: Politika ng Wika at Araling Wika sa Panahon ng Diktadura ni Dr. Gonzalo Campoamor II at Ang Pilipinong Seaman sa Globalisasyon: Mga Naratibo ng Pagsubok at Pakikibaka ni Prop. Joanne V. Manzano. Mula naman sa University of the Philippines Press ay ang Kolab nina Dr. U Eliserio, kasama sina Dr. Maynard Man-ansala at Dr. Chuckberry Pascual; Lab: Mga Dulang Adaptasyon at Iba pang Laro para sa mga Klaseng panlabora­toryo ni Prop. Vladimeir B. Gonzales; Lorena: Isang Tulambuhay ni Dr. Pau­line Mari Hernando; Mga Apoy sa Ilaya at Iba Pang Kuwento ni Dr. Rommel Rodriguez; at Si Maria Makiling at ang Alamat ng Animas Anya ni Prop. Will Ortiz. Mula naman sa Ateneo de Manila University Press, ilulunsad ang Mga Osipon ni Ana T. Calixto: Paggigiit ng Sadiring Banwa sa Osipon, Maikling Kathang Bikol, 1950-1956 ni Dr. Raniela E. Barbaza.

Sa bahagi ng pana­yam, tampok ang tatlong iskolar mula sa magkakaibang disiplina upang ibahagi ang ugnayan ng panitikan sa teatro, pelikula, at musika. Ito ay sina Professor Emeritus Apolonio Chua mula sa Kolehiyo ng Arte at Literatura, Dr. Rolando To-lentino mula sa Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon, at Dr. Raul Navarro mula sa Kolehiyo ng Musika.

Malugod na inaanyayahan ang publiko na dumalo sa “Tanyag Likha” upang sa pambihirang pagkakataon ay masilayan hindi lamang ang mga bagong publikasyon kundi ang lekturang handog ng mga piling mananalita. Magkakaroon din ng limitadong diskwento ang lahat ng bibili ng aklat sa araw na ito.

Ang “Tanyag Likha” ay aktibidad kung saan unang pagkakataong magkakaroon ng kolektibong lunsad-aklat ng mga publikasyon ang Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas kasabay ng panayam na bukas sa publiko hinggil sa kabuluhan ng Panitikan sa buhay at lipunang Filipino.

Comments are closed.