TAO-SA-TAO PAGLAPIT NI ISKO VS ‘HAKOT CROWD’ NI ROBREDO

‘YUNG ‘hakot crowd’ ay hindi katumbas ng mga boto para sa isang kandidato.

Ito ang naging sagot ng Team Isko-Doc Willie sa ikinakalat sa social media na kumpol-kumpol na tao sa rally ng ‘Kakampinks’.

Maganda lang tingnan, sabi ni Lito Banayo, chief campaign strategist ng Aksyon Demokratiko, ang rally ni VP Leni Robredo dahil sa maraming tao at lobo na nakikita sa larawan.
Pero lahat ba ng hinakot na tao sa rally ng Kakampink e siya ring dami ng makukuhang boto?

Kumpara sa ‘hakot crowd’ ng Kakampink, personal na nakikipagmiting si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso para ipaliwanag ang adyenda at mga solusyong agad na gagawin para maiangat ang buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino – kung siya ang manalo sa halalan sa Mayo 9, 2022.

Hindi gagayahin, hindi makikipagkumpetensiya ang Team Isko-Doc Willie sa ‘hakot crowd’ ni VP Robredo para dayain ang publiko at palabasin na dumadami ang sumasama sa kanilang kampanya.

Maliwanag ang sabi ni Banayo: Hindi makikipag-compete ang Aksiyon Demokratiko at tutularan ang Kakampink na “hahakot ka pa ng tao kung saan-saang bayan, dadalhin mo sa Cavite, dadalhin mo sa Bulacan.”

Itinatanggi ito ng Kakampink pero mas paniniwalaan namin si Cavite 7th District Representative Jesus Crispin “Boying” Remulla na ‘hakot crowd’ ang mga tao sa rally ng Kakampink sa General Trias City (GenTri).

Mahigit lang 10K tao ang kapasidad ng Sports Center ng GenTri pero mahigit daw sa 40K ang nakipagsiksikan sa lugar, pambobola ng Kakampink at mismong supporter daw nila ang gumastos ng sariling pera, nag-print ng poster, at nagpagawa ng pare-pareho ang disenyo, tingkad ng kulay ‘pink’ na t-shirts daw?

o0o

Hindi rin daw totoo ‘yung hindi natuloy na hakot crowd ng mga estudyante ng Baybayog National High School sa Alcala, Cagayan at wala raw silang alam dun, sabi ng Kakampink?

Kungdi pa nabisto iyon ni Sir Ernest Ramel na chairman ng Aksyon Demokratiko, hindi kakanselahin ang rally ng ‘hakot crowd” na pupunuin ng mga estudyante ng Baybayog National High School.

Ang nakakadismaya pa, aba, hindi ang organizer ng hakot crowd ang dapat daw kastiguhin kungdi ang mga titser at prinsipal ng paaralan, depensa ng kampo ng Kakampink.

Huling-huli na, malakas pa ang loob na itanggi ang pagsisinungaling!

E mismo ngang si DepEd Sec. Leonor Briones ang kumastigo at nag-utos kay school principal Artemio Te na mag-isyu ng apology sa publiko sa hindi natuloy na ‘hakot crowd’ ng kampo ni VP Robredo.

o0o

Teka, dapat na paimbestigahan ang pamumulitika ng mga guro ng Baybayog National High School sa bayan ng Alcala, Cagayan sa posibleng paglabag sa pagbabawal na makialam sa pulitika ang mga opisyal at kawani ng gobyerno.

Kasong electioneering at partisan political activity ang posibleng harapin ng mga nagpakana na pasamahin ang mga estudyante sa pangangampanya ni Robredo sa Alcala, Cagayan.

o0o

Mas epektibo ang paraan ng kampanya ni Yorme Isko – na siya mismo, ang katiket na si Doc Ong, mga kandidatong senador Samira Gutoc, Jopet Sison, Dr. Carl Balita at Atty. John Catriciones – ang lumalapit sa tao.

Paliwanag ni Banayo, mas epektibo ang ginagawa ng Team Isko-Doc Willie, at ito ay ang personal na paglapit sa mga hindi kilalang tao sa ginagawang miting sa town hall iba’t ibang bayan at siyudad, sa mga kapitolyo.

Iba ang harapan at personal na paglapit at pakikipag-usap sa tao, iba ang pagpapakita ng sinseridad at pagdamay sa problema at pag-aalok ng aksiyong mabilis at solusyon.

Mas malalim ang impresyong maiiwan sa mga hindi kilalang tao at personal at magalang na iniaalok ng tropang Isko Moreno ang kanilang serbisyo.

Mas may puso at mas totoo at kongkreto na maiintindihan ng tao ang mga paraan at akmang solusyon na ipinaliliwanag ni Yorme Isko sa mga tao ang gagawin niya upang mapagaan ng buhay ng pamilyang

Pilipino na pineperwisyo pa ng pandemyang COVID-19 at ng lumalalang krisis sa kabuhayan gawa ng patuloy na giyera ng Russia at Ukraine.

o0o

Payag si Yorme Isko sa panawagan ni Senate Minority Leader Frank Drilon na kailangang magkaisa sila at pumili ng isa na lamang kandidato laban kina BBM-Sara tandem.

Eto ang sagot ni Yorme kay Drilon: “Thank you for calling the unity. Welcome po kayo, Senator Drilon sa aming team.”

Hahaha, akala ni Drilon, aatras si Yorme sa panawagang pagkakaisa.
Of course, kung sasama si Drilon and company, handa nilang tanggapin para dumami ang Team Isko-Doc Willie, nang lumakas ang kampanya ng Aksyon Demokratiko.

Pero ang umatras sa gitna ng laban at sumama sa Pinklawan, “No Way!”

o0o

Para sa inyong mga suhestiyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].