HINDI maitatatwa na nakahanay si Andres Bonifacio sa lahi ng mga matatapang.
Isinilang siya sa Tondo, Maynila noong Nobyembre 30, 1863.
Ngunit kapansin-pansin na sa lahat ng mga bayaning Pilipino, tanging si Bonifacio ang ipinagdiriwang ang araw ng kapanganakan sa halip na ang kanyang kamatayan na naganap noong Mayo 10, 1897.
Marahil ay dahil hindi naging maganda ang kamatayan ng tinaguriang “Supremo ng Katipunan” noong antigong panahon.
Karumal-dumal ang kanyang sinapit.
Namatay siya hindi sa mga kamay ng mga dayuhang kaaway kundi sa kanyang mga kapwa Pinoy at ka-rebolusyonaryo.
Bukod kay Andres, pinaslang din ang kanyang kapatid na si Procopio sa Mt. Buntis, Maragondon, Cavite.
Binaril at tinaga silang dalawa.
Matapos maisakatuparan ang krimen, inilibing sila sa isang lugar na halos walang palatandaan.
Nasa 33 taong gulang lang si Andres nang mangyari ang pamamaslang.
Kaya duda ang marami at hindi rin matiyak kung kay Bonifacio ang nahukay na buto noong 1918 sa isang tubuhan sa Maragondon na kalauna’y inilagak ang urna sa National Library.
Nasira nga lang ang mga buto ni Bonifacio nang bayuhin ng bomba ang Maynila noong World War II.
Maagang naulila ang limang magkakapatid at mula noon ay si Bonifacio na ang nagtaguyod sa mga ito.
Nagsikap siya nang husto at nagtrabaho bilang bodegero at tindero ng baston at abaniko hanggang sa ma-promote siya.
Hindi naglaon ay itinatag niya ang Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) o mas kilala rin bilang Katipunan hanggang sa sumiklab ang rebolusyon nang punitin niya ang mga sedula.
Kahit kulang sila sa armas, buong giting silang lumaban sa mga kastila.
Maraming katipunerong nagbuwis ng buhay.
Sa labanang iyon, hindi nagbaba ng bandila si Bonifacio pero ang masaklap ay sa kamay lang pala ng kapwa Pilipino matatapos ang kanyang buhay.
Kahapon, Nobyembre 30, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay ipinagdiwang ang ika-159 kaarawan ni Bonifacio sa Andres Bonifacio National Monument sa Caloocan City.
Nagkaroon din ng kaparehong selebrasyon sa iba pang lugar sa bansa kung saan may mga bantayog din si Bonifacio.
Kasama naman sa mga dumalo sa event sa Caloocan sina Sen. Robin Padilla, Sen. Sherwin Gatchalian, Sen. Manuel “Lito” Lapid, San Juan City Mayor Francis Zamora, Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, House Speaker Martin Romualdez, Caloocan City District 1 Representative Oscar Malapitan, National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chairman Rene Escalante, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Bacarro, ilang kinatawan ng foreign dignitaries, gayundin ang mga miyembro ng ilang civic at non-government organizations.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na “ang pagsariwa sa alaala ni Gat Andres at ng iba pang mga bayani ay mahalaga upang pagyamanin natin ang ating pagpapahalaga at pang-unawa sa ating kasaysayan, na siyang nagsisilbing gabay tungo sa mas magandang kinabukasan.”
Bagama’t mahigit 100 taon na mula nang pumanaw si Bonifacio, mananatiling nakaukit ang kanyang pangalan sa ating kasaysayan kailanman, hindi lamang dahil sa pamumuno niya sa rebolusyon kundi sa hindi matatawarang tapang at pagmamahal ng supremo sa bayan.
Ayon kay PBBM, sa pamamagitan ng makatuwirang paninindigan at ipinaglalaban, hinarap ni Bonifacio ang mga dayuhang mananakop na siyang nagpahirap para sa mga mamamayan ng mahigit tatlong sentinaryo.
Kakaiba nga ang katapangang ipinamalas ni Andres, isang uri ng tapang na hindi sumusuko kahit sa gitna ng peligro, matiyak lamang ang interes ng bayan.
Kaya hinamon ni Pangulong Marcos ang mga Pinoy na sikaping maging pinakamahusay sa ating lahi, taglay ang katapatan at pagmamahal sa bayan na kaparis ng ating mga bayaning tulad ni Bonifacio.
Sa kabilang banda, mahalagang lawakan natin ang ating pananaw sa kahulugan ng pagiging isang bayani.
Masdan ang ating pamilya, lalo na ang ating mga magulang, manggagawang Pilipino, lingkod-bayan, overseas Filipino workers (OFWs), mediamen, pulis, nars, guro, sundalo, doktor, magsasaka, mangingisda, at iba pa.
Aba’y para sa akin, maituturing din silang mga bayaning Pilipino.
Lahat tayo, mula ngayon at sa mga susunod pang panahon, ay maaaring maging bayani sa sarili nating pamamaraan.