KAPURI-PURI ang ipinamalas na katapatan ng isang tagalinis nang hindi ito magdalawang-isip na isauli ang napulot na bag na naiwan sa Laguindingan Airport sa Misamis Oriental.
Batay sa report, ang nasabing bag na naglalaman ng P50,000 ay naiwan sa arrival area ng paliparan bandang alas-7 ng umaga.
Nang makita ng airport cleaner na si Joshua Bustamante ang bag ay agad niya itong ipinagbigay-alam sa pamunuan ng paliparan upang mahanap ang may-ari nito.
Makalipas ang halos dalawang oras ay nakuha naman ng babaeng may-ari ng bag ang kanyang gamit at pera.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Area Center 10 Manager Engr. Job De Jesus, ipinakita ng airport cleaner ang pinakamataas na pamantayan ng katapatan at paglilingkod na itinataguyod ng kanilang ahensiya.
Ang isang katulad ni Joshua ay dapat tularan ng bawat Pilipino.