TAPOS NA ANG BSKE, ANO BA ANG MAYROON DITO?

ILANG araw bago sumapit ang takdang araw upang bumoto ang ating mga mamamayan para sa kanilang barangay captain, kagawad at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan o SK ay tila kaliwa’t kanan ang mga naiulat na kaguluhan na may kinalaman sa pangangampanya.

May mga insidente ng suntukan, pamamaril, pagsunog ng paaralan na nagsisilbing voting center at pati pagharang sa kalye sa pamamagitan ng paglalagay ng tambak ng bato at lupa patungo sa voting center!

Ano ba ang mayroon para sa mga opisyal ng barangay at umaabot ito sa mga marahas na pamamaraan upang manalo sa barangay election?

Ang huling halalan para sa barangay ay ginanap noong 2018. Limang taon na ang nakalipas.

Mahigit 92 million ang bilang ng mga registered voters ngayon. Kaya hindi kataka-taka na siksikan muli ang mga eskwelahan na gagamitin bilang voting centers dito.

Sa marangal at mataas na usapin, mahalaga ang barangay sa ating lipunan. Ang mamumuno ng barangay ay may malaking responsibilidad sa kanilang mga residente. Dito hinuhubog ang mga solusyon at polisiya na talagang akma sa pangangailangan ng mga residente ng barangay.

Ayon sa Local Government Code ng 1991, ang barangay ay itinuturing bilang isang basic political unit “that serves as the primary planning and implementing unit of government policies, plans, programs, projects, and activities in the community.” Dito rin nagkakaroon ng ugnayan at usapan ng mga hindi pagkakaintindihan ng mga residente ng nasasakupang barangay upang makahanap ng solusyon sa mga suliranin ng magkakapitbahay.

Sa ngayon ay mayroon tayong 42,001 barangay chairmen, 294,007 barangay kagawads, 42,001 SK chairpersons at 294,007 SK kagawads. Ayon sa datos ng Comelec, mahigit 1.41 million mga Pilipino ang nagsumite ng kanilang certificates of candidacy para sa kasalukuyang barangay election. Huwaw!

Ang barangay election ay hindi tulad ng tinatawag nating mid-term o national election kung saan pipili tayo ng ating mga opisyal ng LGU, kongresista, senador, bise presidente at presidente.

Mas personal ang barangay election. Ang mga bumuboto para sa barangay ay may personal na koneksyon sa kanilang lugar. May paniniwala sila na malaki ang maitutulong ng kanilang iboboto na mamumuno sa kanilang lugar. Kasama na rin marahil ang personal na pagkakakilanlan sa kanilang kandidato. May mga registered voter na hindi na lumalahok sa barangay election dahil wala naman silang nakikita at nararamdaman na maitutulong ng kanilang barangay officials.

Karamihan dito ay mga residente na naninirahan sa mga private subdivision. Mas mahalaga sa kanila ay ang mga mamumuno ng kanilang Homeowners Association at hindi ang barangay na sumasakop sa kanila.

Pero alam ba ninyo na ang pondo na nakukuha ng mga barangay ay kinukuha rin mula sa buwis na binabayaran natin sa gobyerno? Noong nakaraang taon, ang kabuuang national tax allotment o NTA para sa ating mga barangay ay umabot sa P191.8 billion.

Ang kabuuang halaga na ito ay sapat na sa budget para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (P107.6 billion), free higher education program (P26 billion), at sa indigent senior citizen’s pension (P25 billion).

Ayon sa Republic Act No. 7160, pinapayagan ang mahigit kalahati o 55% ng nasabing koleksyon ng NTA na umaabot ng P191.8 billion nitong taon para sa personnel services ng mga opisyal ng barangay na nagkakahalaga ng halos P95.9 billion. Ayun naman pala!!!

Kaya naman nagpapatayan ang mga ibang kandidato para sa barangay election sa mga lalawigan ng Luzon, Visayas at Mindanao. Malaki pala ang kita rito. Haaay!

Kaya naman, harinawa’y manalo ang mga totoong opisyal na serbisyo publiko ang iiral at hindi pagsasamantala sa pera ng bayan. Tila ilan sa atin ay minamaliit ang ambag ng ating mga opisyal ng barangay at SK, subalit kung palpak ang mamumuno. tiyak na hindi aasenso ang ating mga barangay.