MUKHANG mapayapa ang kabuuan ng naganap na eleksiyon kahapon. Wala masyadong napaulat na karahasan na nangyari kung ating ihahambing sa mga nakalipas na halalan. Ang napansin ko lang ay ilang araw bago ang eleksiyon, tila naging agresibo ang kapulisan sa mga insidenteng ‘vote buying’ o bilihan ng boto bago sumapit ang ika-13 ng Mayo. Marami silang nahuli sa paglabag ng batas na ito.
May mga balitang nahuli na namimili ng boto sa lalawigan ng Cavite, Batangas, Zamboanga, Isabela, Surigao del Norte at pati na rin sa Quezon City.
Si dating Senador Heherson Alvarez ay umatras sa kanyang kandidatura dahil parang wala na raw saysay ang eleksiyon sa kanilang lugar dahil talamak daw ang bilihan ng boto.
Puwes, hayaan na natin ang mga awtoridad diyan. Ang mas interesado ako ay kung sino ang papasok sa tinatawag na ‘Magic 12’ sa Senado. Sa pinakahuling survey ng SWS at Pulse Asia, may mga kaunting pagbabago sa ranking. Ang dating #1 na si Grace Poe ay pinalitan ni Cynthia Villar. Sinundan sila nina Pia Cayetano, Bong Go, Bong Revilla, Lito Lapid, Bato Dela Rosa, Sonny Angara, Imee Marcos, Nancy Binay, Koko Pimentel at JV Ejercito.
Napunta sa ika-13 puwesto si Jinggoy Estrada, kasunod sina Bam Aquino at Francis Tolentino. Sina Serge Osmeña, Mar Roxas at Juan Ponce Enrile ay nasa ika-16 hanggang ika-18 na puwesto.
Ang tanong, may pag-asa pa bang makapasok ang mga kandidato mula kay Jinggoy Estrada hanggang kay Juan Ponce Enrile? Ang sagot ay oo. May pag-asa pa sila.
Tandaan, ang nasabing resulta sa ranking ay basehan lamang sa survey. Ginagawang gabay lamang ito ng mga kandidato, supporters ng mga kandidato at ng pangkalahatang botante upang malaman kung sino ang mas napipisil ng lipunan upang makapuwesto sa Senado.
Subalit may mga huling baraha pa ang mga kandidatong ito upang mahikayat ang sambayanan na piliin sila sa Senado.
Kung ating pagbabasehan ang huling senatorial survey noong 2016, may mga nasa ‘Top 12’ ng survey na nalaglag sa eleksiyon. Ang tumatakbong muli na si Serge Osmeña na nasa ika-10 sa survey ay natalo at pumuwesto lamang sa ika-14. Si Sen. Sherwin Gatchalian ay ika-13 sa survey subalit nakasampa siya bilang ika-10.
Si Sen. Joel Villanueva, ayon sa survey ng Pulse Asia, ay bagsak sa ika-14 puwesto ngunit pumasok siya bilang opisyal na senador sa ika-2 na may pinakamataas na boto. Ang mataas sa survey noon na si Sen. Leila De Lima na ika-8 ay bumagsak bilang ika-12. Si Sen. Pacquiao na sa survey noon ay nasa ika-7 puwesto ay nanalo bilang ika-3.
Ano ang ibig sabihin nito? Para sa lahat ng senatorial candidates, bilog ang bola. Maaaring hindi parehas ang lumabas sa pinakahuling survey sa tunay na lalabas na mananalo sa resulta ng Comelec. Bantayan po natin ang ating mga boto.
Comments are closed.