TAPOS NA. WALA NANG BAWIAN, WALA NANG ATRASAN

SA wakas. Natapos na rin ang unang yugto ng telenobela ng ating pulitika sa Pilipinas. Sa mga biglaang pagbabago, pagsabik, palaisipan, senaryo at maraming pang ibang nangyari bago sumapit ang alas singko kahapon sa Comelec, nagkaroon na rin ng linaw at kasagutan sa pinal na desisyon at posisyon na mga tatakbo sa halalan sa susunod na taon.

Matatandaan na nabigla ang marami sa pag-alis ni Davao City Mayor Sara Duterte sa kanyang lokal na partidong pulitikal na Hugpong ng Pagbabago o HNP at nanumpa siya bilang bagong miyembro ng Lakas-CMD. Matapos nito ay nag-anunsiyo siya na tatakbo bilang bise presidente ng ating bansa sa darating na halalan na siyang ring tinanggap ng partido ni Bongbong Marcos bilang kanyang katambal.
Ilang oras lamang ay sumugod ang kampo ni Sen. Bong Go kasama ang kanyang kapwa senador na si Bato dela Rosa na umatras bilang presidente at ang pumalit ay si Go. Ang nakadagdag pa ng drama rito ay ang pagsama ni Pangulong Duterte sa Comelec nang ito ay ginanap.

Mas uminit pa ang istorya nang maglabas ng sama ng loob si Pangulong Duterte sa desisyon ng kanyang anak na tumakbo bilang bise ni Bongbong. Maraming binitiwang emosyonal na salita ang Pangulo na tila naghamon pa na maghintay ang sambayanan sa mangyayari sa ika-15 ng buwan na ito na siyang takdang palugit ng Comelec sa candidate substitution.

Mas gumulo pa ang sitwasyon nang magsalita si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar na abangan daw ang balita na tatakbo si Pangulong Duterte bilang bise presidente ni Bong Go. Naloko na. Magkalaban ang mag-ama!!!

Subalit tila napahiya yata si Sec. Andanar at nagmistulang nagpakalat siya ng fake news dahil sa kalaunan ay mali ang kanyang anunsiyo sa media. Si Pangulong Duterte ay tatakbo pala bilang senador.

Sa totoo lang, nakakahiya nangyari kay Sec. Andanar. Dapat baguhin ang pangalan ng kanyang ahensiya na PWCO o Presidential Wrong Communications Office. Dapat talaga ay buwagin na ‘yang opisina na ‘yan at ibalik muli ang Office of the Press Secretary. Pero ibang paksa ito.

Dahil dito, tila lumalabas na napakalaki ang posibilidad na si Sara Duterte ang susunod na bise presidente ng ating bansa. Bagamat sa pinakahuling survey, ay pumapangalawa si Inday Sara kay Sen. Tito Sotto, ginawa ang survey na ito na wala pang pinal at opisyal na anunsiyo na tatakbo si Sara sa pagka-bise presidente.

Sigurado ako na sa susunod na survey ay aarangkada ang numero ni Sara. Si Bong Go ay walang opisyal na bise presidente. Pati ang PDP-Laban ay wala ring bise presidente. Ano ang ibig sabihin nito? Malamang ay maraming mga national political parties ang mag-eendorse kay Sara Duterte bilang kanilang bise presidente. Ito ay ang Lakas-CMD, Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Nacionalista Party (NP), People’s Reform Party (PRP), PDP-Laban, Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) at Puwersa ng Masang Pilipino (PMP). O, saan ka pa?!

Sa dako naman ni BBM, kailangan ay bantayan at magmasid nang husto sa mga susunod na buwan.

Hindi natin mai-aalis na baka magkaroon ng magic o hokus pokus sa Comelec pagsapit sa bilangan ng boto. Naranasan na niya ito. Kaya mahirap na dalawang beses ang dagok sa kanya.

Ganun pa man, abangan natin ang ikalawang yugto ng ating telenobela ng pulitika sa Pilipinas. Ano naman ngayon ang mga susunod na mangyayari? Abangan.