NAGSIMULA ang nasabing pag-aaral sa paggamit ng motorsiklo bilang isang alternatibong taksi sa Metro Manila noong 2019. Natatandaan ko pa noong panahon ng administrasyon ni PNoy, lumalala ang trapik dulot ng kakulangan ng mga makabagong impraestruktura at modernisasyon ng mga naglulumaan na sasakyang pampubliko.
Hindi ko sinisisi ito sa panahon ni PNoy. Nararamdaman natin ang lumalalang kondisyon ng trapik dahil sa ilang dekadang kapabayaan sa mga programa ng gobyerno upang ayusin ang pampublikong transportasyon at karagdagang mga impraestruktura bilang solusyon sa dumadaming sasakyan sa lansangan.
Kaya naman marami sa ating mga kababayan ay dumidiskarte ng mga ilegal na pamamaraan upang kumita sa pamamagitan ng serbisyo na hawig ng tricycle na walang pormal sa kautusan o polisiya mula sa LTFRB o pahintulot mula sa mga LGU. Dagdag pa rito, tulad ng mga prangkisa na ibinibigay sa mga transportasyong pampubliko, kailangan din na gumawa ng batas ang Kongreso sa pagbigay ng prangkisa sa paggamit ng motorsiklo bilang isang taksi.
Isa na rito ay ang tinatawag na ‘habal habal’. Nauso ito noong panahon ng administrasyon ni PNoy. Ito ay ang pagkontrata sa mga pribadong motorsiklo na magserbisyo na parang taksi. Subalit, walang proteksyon ang mga commuters na gagamit dito dahil nga hindi sila rehistrado sa LTFRB. Kaya kung may naganap na aksidente sa paggamit ng ‘habal habal’, kawawa ang ating mga kababayan.
Kaya naman noong 2019, minarapat ng LTFRB na magsagawa ng isang pilot study upang maging basehan ng pagsasabatas sa tinatawag nilang ‘motorcycle taxi’ o MC Taxi. Ayon sa LTFRB, wala kasing malinaw na guidelines sa ganitong bagong uri ng transportation service.
Dagdag pa rito ay ang paggamit ng modernong pamamaraan upang mag-book sa pamamagitan ng tinatawag na ‘ride hailing application’. Halos pareho nito sa sinimulan ng UBER na ngayon ay pagmamay-ari ng Grab.
Agad na nagbigay interes sa nasabing pilot study ang Angkas, Joyride at Move It sa kategorya ng MC Taxi. May nag-abot din ng interes ang iba pang maliliit na players ng MC Tax tulad ng Cloud Panda, Taxi Philippines, e-pick me up, Easy Way Transport Service, Para Express Technology, Grab Philippines at Ding Dong Rider Ko. Hmmm, mukhang may potensyal yata sa negosyong ito.
Subalit sa loob ng limang taon, nagmistulang laro ng pingpong ang isyu ng nasabing pilot study. Pabalik balik. Ang Grab Philippines ay nagtangkang pumasok sa nasabing programa sa pamamagitan ng pagbili ng Move It. Marami ang nagtanong na parang nag short-cut ang Grab dito at hindi dumaan sa wastong proseso. Ang mga iba naman dito ay tila kwestyonable ang kanilang kakayahan na magpatakbo ng maayos ang MC Taxi. Dagdag pa rito ay baka naman sumobra ang dami ng mga MC Taxi sa lansangan at magresulta ito bilang isang panibagong problema imbes na solusyon sa lumalalang trapik sa Metro Manila.
Kaya naman nagsabi na ang LTFRB na ang Angkas, Move It at JoyRide lamang ang kanilang ini-endorso sa nasabing pilot study. Nirekomenda rin ng nasabing ahensya sa Kongreso na tapusin na ang nasabing pilot program.
Ang ibig sabihin nito ay hangga’t wala pang malinaw na batas sa pagbibigay ng prangkisa sa mga MC Taxi, pinapayagan lang ang Angkas, Move It at JoyRide na ligal na mag-operate sa ilalim ng programang MC Taxi.
Sana naman ay wala ng kokontra rito upang pormal na magkaroon na tayo ng batas ukol sa paggamit ng MC Taxi na magiging magandang kabuhayan sa ating mga may ari ng motorsiklo. Kasama na rin dito ay ang proteksyon ng mga mananakay ng MC Taxi.