SA isang panayam, tayo ay natanong kung tayo ba ay mananatiling chairman ng Senate Finance Committee sa pagsisimula ng ika-19 na Kongreso bago matapos ang kasalukuyang buwan.
Sa ating pagtataya, maaaring positibo ito pero makukumpirma lamang ito sa sandaling magbukas na ang panibagong Kongreso.
Bagama’t iyan na ang napag-usapan sa pamunuan ng Senado, magiging opisyal lamang ito sa pagsisimula ng sesyon, isang araw matapos ang State of the Nation Address ng ating Pangulo.
Sa isang bahagi ng ating panayam, napag-usapan ang isyu tungkol sa mga ayuda dahil nga sa patuloy na krisis na pinagdaraanan natin sa kasalukuyan.
Sa pagtaas ng presyo ng krudo dahil sa patuloy na sigalot sa pagitan ng Ukraine at ng Russia, paglobo ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan o bilihin — makatatanggap din ba ng ayuda ang mga kababayan nating itinuturing na nasa middle class?
Hindi man tulad ng mga pinakamahihirarp nating kababayan na tumatanggap ng cash bilang ayuda, ang ating middle class earners ay magiginhawahan naman sa kanilang income tax sa susunod na taon.
Ang tax relief na ito ay napapaloob sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law o RA 10963. Sa pagpasok po ng Enero 2023, muling makatatanggap ang ating middle class earners ng tapyas-buwis.
Sino-sino po ba itong mga sinasabi nating middle class? Kasama po riyan ang ating mga guro at mga empleyadong kinakaltasan ng tax sa kanilang suweldo.
Para po sa mas maliwanag na eksplanasyon, isinasaad po ng TRAIN Law na ang mga empleyadong kumikita ng P250,000 taon-taon at hindi hihigit sa P8 milyon ay may lower tax rates na mula 15% hanggang 30 percent. Magsisimula po ‘yan sa January 2023.
At kaugnay po ng tanong kung tayo ba ay pabor na bigyan ng tulong pinansiyal ang mga middle class families na apektado na rin ng taas-presyo, bukas po tayo sa ideyang ‘yan. Pero sa ngayon po kasi, prayoridad ng gobyerno na tulungan ang pinakamahihirap nating kababayan — ‘yung mga talagang walang-wala. Pero kung may paraan para maisali ang mga middle class sa financial assistance, bakit naman hindi?
Lahat naman ay apektado talaga ng krisis. Ang pangunahing kailangan para maisakatuparan natin ito ay kaukulang pondo, pero titingnan natin kung may mga posibleng paraan o mekanismo para mapagaan ang financial status ng middle class sector.