TAPYAS TARIPA SA IMPORTED RICE

INAPRUBAHAN ng National Economic and Development Authority (NEDA) board ang pagtatapyas sa taripa ng imported na bigas hanggang 2028.

Ipinabatid ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na sa ilalim ng Comprehensive Tariff Program mula sa 35% ay ibababa na sa 15% ang taripa sa bigas para makamit ang target na P29 hanggang 39 pesos na kada kilo ng bigas para sa mahihirap na Pilipino.

Ang pagtapyas aniya sa taripa ay inaasahang magdudulot din ng pagbagal ng inflation, na magreresulta para maibsan ang mataas na presyo ng bigas sa mga palengke.

Tiniyak naman ni Balisacan na hindi maaagrabyado ang local rice sector sa ibababang taripa sa imported rice, dahil daragdagan naman ang pondo para sa domestic production.

Ayon kay dating Agriculture Secretary Leonardo Montemayor, hindi totoong bababa ang presyo ng bigas dahil sa tinapyasan ang taripa nito na tila minadali pa.

Humihiling naman ng pulong kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang grupo ni Danilo Fausto, pangulo ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. para mapag-usapan pa ang nasabing hakbang.

Naniniwala naman si Agri Partylist Representative Wilbert Lee na sa maikling panahon lamang dapat ipatupad ang pagbaba sa taripa sa bigas.

Labag sa procedure ang pagpapabagsak sa 15% taripa sa bigas, baboy at iba pang produkto.

Binigyang diin ito ni Senador Imee Marcos na nagsabi ring tanging sa panahon lamang ng emergency uubra ang nasabing hakbang kung kailan wala nang magagawang paraan sa kulang na local supply.

Ipinabatid naman ng ekonomistang si Michael Ricafort na ang bawas taripa sa bigas ay makakatulong para mapababa ang inflation sa 0.36 percent o nasa halos 4% na lamang sa pagtatapos ng taong ito.

Dahil sa nasabing hakbang, iginigiit ng agricultural groups ang pagbibitiw sa puwesto ni Balisacan.

Nanindigan naman si Balisacan sa desisyon ng ahensiya na irekomenda ang tapyas taripa dahil “unanimous” ang desisyon ng neda board na sundin ang rekomendasyon ng Committee on Tariff and Related Matters hinggil dito.

Ang Department of Trade and Industry,  ang chairman ng CTRM at kasama rito ang Department of Agriculture at iba pang mga kagawaran at ang Tariff Commission.

Si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.,  ang chairman ng NEDA board at Vice Chair naman si Balisacan.

Sadyang napakalapit sa sikmura ng mga Pilipino ang usapin ng bigas dahil kilala ang mga Pilipino bilang rice lovers.

Kaya naman sa kaunting paggalaw lamang ng presyo ng bigas ay malaking alalahanin na rin sa mga Pilipino.

♦♦♦♦♦

Para sa patas na pagtalakay, patuloy na nakikipag-ugnayan ang SIYASAT Team ng DWIZ 882 sa mga kinauukulan pang ahensya ng gobyerno upang higit na malinawan ang issue.