TARA NA SA MUNTINLUPA ART FAIR!

Nagsimula kahapon, Huwebes, ang selebrasyon ng Muntinlupa Art Fair (MAF) sa Museo ng Muntinlupa. Ngayon ang ikalawang araw at tatagal hanggang bukas, Sabado, ang mga kaganapan kaugnay ng MAF na bahagi pa rin ng National Arts Month 2024.

Ang tema ng pagdiriwang ay “Ani ng Sining, Bayang Malikhain.” Kasabay ng MAF ay ang pagdiriwang ng ika-5 anibersaryo ng Museo at ika-29 na anibersaryo ng pagka-siyudad (cityhood) ng Muntinlupa.

Titipunin ng MAF ang mga manlilikha sa lugar at mga negosyanteng nakikiisa sa pamamagitan ng paglalako ng kanilang mga produkto sa lugar. Sa larangan ng sining, nakatuon ang pagdiriwang ngayong taon sa mga sining na hindi nabigyan ng espasyo noong nakaraang taon: iskultura na gawa sa kahoy at bakal, sayaw, panitikan, at pelikula. Ang lahat ng mga programa ay libre at bukas para sa lahat.

Bahagi ng selebrasyon ngayong araw (Biyernes) ang mga sumusunod: Hampton Court Ballet (performing arts); Erica Feliz Marquez-Jacinto, Johnry S. Albutra, Alvin Salazar, at Jet A. Medina (artist talk on dance, dance workshops); FLOW-Writing for Healing (tula at performance poetry); film showing; guided tour; at open mic.

Bukas, Sabado, sa huling araw ng MAF ay magkakaroon ng pagtatanghal ang mga naging bahagi ng dance workshops. May artist talk din sina Dave Ilagan at Andrei Antonio tungkol sa film production, at isang lecture ni Dr. Jaime Gutierrez Ang tungkol sa film appreciation at kritisismo.

Makibahagi sa mga pagtatanghal at programa ngayong araw hanggang bukas. Magkita-kita po tayo sa Museo ng Muntinlupa! Para sa karagdagang detalye, maaaring bisitahin ang Facebook page ng Museo.