TARA NA SA QUEZON!

QUEZON PROVINCE

(ni ROMA PRAXIDES)

PARA sa mga taga-siyudad na naghahanap ng “quick getaway” magtungo na sa lalawigan ng Quezon. Ito ay matatagpuan sa bahaging timog Luzon. Kilala rin ito sa nangunguna sa produksiyon ng niyog at iba pang produkto kaugnay nito tulad ng lambanog at kopra.

Apat na oras lamang ang biyahe mula sa Maynila, kaya naman perfect itong lugar na malayo sa polusyon. Hindi lamang sikat ang lalawigan ng Quezon sa mga naggagandahang beaches, kundi maging sa mga kakaiba nitong pasyalan.

Narito ang ilan na puwedeng pasyalan:

BUKID AMARA

BUKID AMARAMarami ang nagnanais na maranasan ang “Buhay-Bukid Feels” o “Simple Farm Living” kung saan malalayo sa polusyon at ingay ng sasak­yan. Ang Bukid Ama­ra ay matatagpuan sa Lucban, Quezon. Iba’t ibang  klase o species ng bulaklak ang narito gaya ng Petunia flowers, Salvia, sunflowers,  Marigolds at marami  pang iba.

Si Mr. Mike Caballes, isang agriculturist, ang nagsimula ng mga kakaibang flower farm. Nauna na niyang naging proyekto ang Sunflower Maze sa Tayug, Pangasinan. At ngayon naman, pinagtutuunan niya ng pansin ang Bukid Amara. Hindi lamang bulaklak ang makikita rito, may mga tanim din na strawberries at mga gulay sa bukid.

Sa lawak na 2.7 hectares na lupain, asahan pa ang maraming development sa lugar at iba’t ibang halaman at bulaklak mula sa ibang bansa ang balak itanim at palaguin dito.

Sa loob ng Bukid Amara ay may itinayo na rin silang café kung saan maaaring umorder ng kape at iba pang inumin tulad ng fresh buko juice. Halos nasa 30% pa lamang ang development ng Bukid Amara, ngunit talaga namang kita na ang potential nito bilang isang tourist attraction. Kamakailan nga lang nang mag-shoot ng eksena rito ang isang te­leserye mula sa sikat na TV network. Nasusuportahan din ng Bukid Ama­ra ang mga negosyo ng ka-nilang kababayang gu­magawa ng  crochet flower earrings, recycled bags, hand painted bayong, pati na rin ang mga tricycle driver at mga karatig na vegetable farmers.

BATIS ARAMIN

BATIS ARAMINIsa pang atraksiyon sa Quezon ay ang Batis Aramin. Limang minutong biyahe lamang kung magmumula sa Bukid Amara. Mayroon silang 7 pools at limang batis at maaaring magtampisaw at mag-swimming. Kaya rin nilang mag-accommodate ng 1,000 pax sa kanilang grand hall events place.

Sa Batis Aramin din makikita ang replica ng hobbit house sa pelikulang Lord of the Rings, Teresita’s Garden, mayroon din silang adventure camp na kauna-unahang team building facility sa Lucban, Quezon.

Taong 1996 nang unang buksan ang Batis Aramin sa publiko. Isa pa lamang noon ang kanilang pool at ta­nging maliliit na cottages ang available. Ngayon ay nasa 135 rooms na at 700 bed capacity. Mayroon ding dalawang NBA sized basketball court. Tumatanggap din sila ng iba’t ibang events, gaya ng youth camps, school reunions, wedding at iba pa. Kompleto sila ng mga AVP at sound system equipment na kakailanganin sa event. Bukod sa kanilang Grand Hall ay may available rin na anim pang maliit na halls na puwedeng pagdausan ng event.

Ang Batis Aramin ay tunay na binabalik-balikan ng mga bisita dahil mararanasan mo ang maginhawang simoy ng hangin, masarap na pagkaing ipinagmamalaki ng Lucban lalo na ang pancit habhab, longganisang Lucban at hardinera, pati ang kanilang mababait na staffs. Ayon pa sa kanilang General Manager na si Ms. Gertine Capistrano, marami pa ang gustong idagdag na atraksiyon at patuloy nilang pagagandahin ang business na sinimulan ng kanilang mga magulang.

KAMAYAN SA PALAISDAAN: FISHER’S LAKE

KAMAYAN SA PALAISDAANKung kakaibang restaurant naman ang ha­nap, maaaring puntahan ang Kamayan sa Palaisdaan. Narito rin ang Air Summit Gourmet kung saan ay tila nasa first class airplane ang iyong kakainan. Gumamit sila ng tunay na eroplano na kanilang ni-renovate para gawing restaurant.

Ang Fisher’s Lake ay isa rin sa mga dinarayo ng mga turista sa Quezon. Patok na patok ang Fisher’s Lake dahil may lugar dito na puwedeng kumain habang nakalubog ang paa sa tubig na malayang nilalangu­yan ng mga isda. Sila ay naghahain ng native Filipino dishes tulad ng mga putaheng may gata, Pako Salad, at ang kanilang specialty na Sinugno, isang luto ng tilapia na inihaw at saka iniluto sa gata. Pati ang kanilang panghimagas na ube halaya at Leche Flan ay patok sa panlasang Pinoy. Bukod sa pagkain, nagke-cater na rin sila sa events, mayroon na  rin silang team building facilities at hotel.

Pinatatakbo ng pamilya ni Ivanros De Los Santos, panganay sa dalawang magkapatid ng mag-asawang Rosauro at Evangeline De Los Santos. Lakas ng loob ang pinuhunan ng mag-asawa para maitayo ang kanilang negosyo na nagsimula lamang sa maliit at ngayon ay isa nang korporasyon.

SAMKARA

Para naman sa mga taong gusto ng simple at mapayapang kapaligiran, puwedeng mag-book ng accommodation sa SamKara sa Lucban, Que­zon. Napaliligiran ito ng bukid, kaya’t napakatahimik ng lugar. Mayroong dalawang natural pools na puwedeng i-enjoy ng mga guest. Pinahahalagahan nila ang bawat bisitang tumitigil sa kanilang garden hotel, kaya walo lamang ang rooms na bukas para sa mga bisita at maituturing na napakapribado ng lugar.

LUISA AND DAUGHTER

Luisa and DaughterAng Luisa and Daughter ay isang restaurant sa bayan ng Lucena. Malalasap mo rito ang iba’t ibang lutong bahay maging ang ilang international dishes. Sikat ang Luisa and Daughter sa kanilang Bangus Spanish Sardines, Beef Caldereta, Beef minanok, at Longganisang Lucban na lasang-lasa ang lutong may halong pagmamahal.

Mayroon din silang pambato na dessert, ang Pistachio Crepe cake, chocolate cake at ma­rami pang iba. Ito ang nagpapatunay na kapag pagmamahal ang pinaiiral sa negosyo ay magtatagal, tulad na lang ng Luisa and Daughter na 30 years nang naghahanda ng masasarap na pagkain at sa higit pang mga taon.

Ilan lamang iyan sa mga dinarayo sa Que­zon. Perfect pang roadtrip o day tour ang mga pas­yalang ito. Kasamang mabubusog ng iyong mga mata sa tanawin ang iyong tiyan sa mga masasarap na pagkain pati na rin ang iyong puso at isip. Dahil sa bawat tao na makasasa­lamuha rito ay maaaninag ang kultura ng mga taga-Quezon. Sa bawat pagkain na iyong matitikman ay kaakibat nito ang istorya ng bayan. At sa bawat lugar na pupuntahan ay tunay na kapayapaan ang madarama.

Kaya naman, tara na sa Quezon!

Comments are closed.