TARA NA SA QUEZON NIYOGYUGAN FESTIVAL 2019

NIYOGYUGAN FESTIVAL

(Ni BONG RIVERA)

QUEZON – Pormal na binuksan kama­kalawa ng hapon sa publiko ang ika-8 Agri-Exhibit Booth TARA NA SA QUEZON Niyogyugan Festival 2019 sa isinagawang ribbon cutting na pinangunahan ni Governor Danilo E. Suarez, kasama sina Vice Gov. Samuel Nantez, 2nd District Rep. David Suarez, Steel Asia CEO Ben Yao, Board Members Beth Sio, Alona Obispo at Jerry Talaga, gayundin ang mga alkalde mula sa 39 bayan at dalawang siyudad dito.

NIYOGYUGAN FESTIVAL2Nagsimulang sumibol at ipina­nganak ang TARA NA SA QUEZON Ni­yogyugan Festival noong 2011 sa ilalim ni ­Quezon 3rd District ­Congresswoman Aleta Suarez, buti­hing maybahay ni Gov. Suarez at ina ni 2nd District Congressman David Suarez na noong 2011 ay gobernador ng lalawigan.

Dahil sa kagustuhan ni Congresswoman Suarez na mapataas ang antas ng mga produktong agraryo at lumaki ang kita ng mga magsasaka at mangingisda ay kanyang naisip na ipakilala ang mga produkto ng lalawigan ng Quezon na  galing sa pagsasaka at karagatan, partikular ang mga produktong nagmumula sa puno ng niyog na tinaguriang ‘tree of life’.

Sa pagtutulungan nina Congresswoman Suarez at dating Gov. David Suarez ay nabuo ang Niyogyugan Festival at sa buwan ng Agosto nila napagpasiyahang gawin ang 11 araw na selebrasyon kasabay na rin ng buwan ng kapanganakan ni dating Presidente Manuel Luis Quezon at ng buwan ng wikang Filipino.

NIYOGYUGAN FESTIVALHinango ni Congresswoman Suarez ang salitang Niyogyugan sa salitang ‘niyog’ at ang ‘yugyog’ sa salitang sayaw. Nagsimula ang mga agri exhibit ng Niyogyugan sa mga simple at ma­liliit na booth lamang na sinamahan ng mga produkto na ibinebenta na ang karamihan ay nagmula sa puno ng niyog at iba pang produktong agraryo ng mga magsasaka sa bawat bayan.

Sa mga sumunod na taon ng selebrasyon ng Niyogyugan ay patuloy itong pinalaki at nadagdagan ng mga event tulad ng pa­timpalak sa Binibining Ni­yogyugan kung saan may kinatawan ang lahat ng mga bayan ng magagandang dilag na ang mga kasuotan ay 60 porsiyentong gawa sa puno ng niyog

Idinagdag na rin ang paggagawad ng parangal sa mga natatanging anak ng Quezon na nagsilbi sa lalawigan sa mga larangan ng  paglilingkod sa komunidad at bayan sa sining, edukas­yon, kalusugan,palakasan, trabahong kapulisan at iba pa na tinawag na ‘Quezon Medalya ng Karangalan’.

NIYOGYUGAN FESTIVAL4Simula nang idaos ang Niyogyugan Festival ay dinayo na ito ng mga lokal at nasyunal na turista, naging malaki na ang demand ng produktong agraryo sa mga booth ng Agri Exhibit at nagsimula na ring kumita nang malaki ang mga magsasaka na nagdadala ng kani-kanilang mga paninda sa mga pamilihang bayan. Maging ang mga ma­ngingisda ay lumaki na rin ang kita dahil marami ng bumibili sa kanilang mga huling isda at iba pang lamang dagat.

Ang masarap na pansit habhab at longanisa ng bayan ng Lucban ang isa sa hinahanap at pinipilahan  ng mga turistang pumupunta sa Niyogyugan, gayundin ang puto bao ng bayan ng Agdangan, suman na gawa sa malagkit ng  bayan ng Infanta, masarap na tinapa o smoke fish ng lungsod ng Lucena, tikoy ng bayan ng Macalelon, lambanog at budin (cassava) ng siyudad ng Tayabas, uraro ng Catanauan, pinya ng General Luna, ube kamote ng San Andres, suka na nagmula sa niyog ng Dolores, tsokolate na nagmula sa bunga ng puno ng cacao at coco sugar na nagmula sa bunga ng niyog ng Alabat.

NIYOGYUGAN FESTIVAL5Ang mga bayan naman na malapit sa dagat ay mga sariwa at naglalakihang isda ang ­ibinebenta, gayundin ang mga halamang dagat tulad sa bayan ng Calauag  na may matataba at malalaking alimasag.

Tunay ngang umusad paitaas ang kinikita ng mga magsasaka at ­mangingisda sa lalawigan ng Quezon magmula nang maging tanyag ang Ni­yogyugan Festival.

Sa kasalukuyan, ang mga produkto ng Quezon ay nabibili na rin sa Metro Manila at international market. Sa datos, umabot sa 1,001,039 turista ang pumunta at namili sa Niyogyugan Agri Booth at pumalo sa P27.691 milyon ang halaga ng mga naibentang produkto rito noong Niyogyugan Festival 2018.

Comments are closed.