TARA NANG BUMISITA SA MGA MUSEO!

Taon-taon ay ipinagdiriwang sa buong mundo ang International Museum Day (IMD) tuwing ika-18 ng Mayo (o sa araw na malapit dito). Pinangungunahan ang selebrasyon ng International Council of Museums (ICOM) na siyang nagtatalaga ng tema bawat taon. Para sa taong 2023, ang tema ay ito: “Museums, Sustainability, and Well-being”.

Ang pagdiriwang ay isang pagkakataon upang makasalamuha ng mga nagpapalakad ng mga museo ang publiko upang mapalalim pa ang kaalaman ng huli tungkol sa papel na ginagampanan ng mga museo sa pag-unlad ng lipunan.

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ay magpapapasok nang libre ang Ayala Museum bukas, ika-20 ng Mayo. Maaaring bisitahin nang libre ang mga sumusunod na exhibits: Ayala Museum: In Microcosm; Ceramics and Cultural Currency: Exchanges of Pottery and Prestige; Globe Digital Gallery; Gold of Ancestors: Pre-colonial Treasures in the Philippines; Project Alima; Skeins of Knowledge, Threads of Wisdom; at ang Diorama Experience of Philippine History. Kailangang mag-register muna sa www.ayalamuseum.org ngayong araw ng Biyernes.

Dalhin ang mga bata o mamasyal kasama ang mga kaibigan sa iba’t-ibang museo sa bansa bilang pagdiriwang ng IMD. Ilan lamang ang mga sumusunod sa maaaring puntahan ng mga taga-Maynila: National Museum of Anthropology, National Museum of Fine Arts, National Museum of National History, National Planetarium, at Manila Clock Tower Museum. Libre ang entrance sa mga nabanggit na lugar.

Ang ilan sa mga may bayad na museo ay ang Museo Pambata, Mind Museum, Art in Island, UST Museum, Museo de Intramuros, at marami pang iba.