‘TARGET ACHIEVED’ (22 PH athletes sasabak sa Paris Olympics)

OPISYAL na nakopo nina hurdlers Lauren Hoffman at John Cabang Tolentino ang kanilang puwesto sa Paris sa pagtatapos ng qualifying window para sa athletics at ang Pilipinas ay may pinakamaraming Olympic athletes sa 22 magmula noong Barcelona 1992.

“Target achieved,” wika ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino. “Now to the most important goal—medals.”

May 26 Filipino athletes sa Barcelona 1992 noong ang Olympics ay hindi pa mahigpit sa pagtatakda ng qualifying standards.

At nang magsagawa ng qualifiers upang limitahan ang games sa ‘best of the best’, ang Team Philippines ay nabawasan sa 12 athletes sa Atlanta 1996, 20 sa Sydney 2000, tig-15 sa Athens 2004 nang magwagi si boxer Mansueto Velasco ng silver at Beijing 2008, 11 sa London 2012 at 13 sa Rio de Janeiro kung saan nanalo rin si  weightlifter Hidilyn Diaz ng silver.

Pagkatapos ay nasungkit ni Diaz ang unang Olympic gold medal ng bansa sa Tokyo 2020 kung saan 19 athletes ang sumabak at itinala ang best performance ng Team Philippines kung saan nagdagdag sina Nesthy Petecio at Carlo Paaalam ng silver medals at nag-ambag si Eumir Felix Marcial ng bronze sa boxing.

“This proves that despite the stringent qualifiers by the international federations, our athletes have established themselves as among the world’s best,” ani Tolentino. “It’s never easy qualifying for the Olympics—much more winning medals—but the template has been set and our athletes in Paris have surely set the tone and path for the future.”

Ang Pilipinas ay hindi napag-iiwanan ng Southeast Asian neighbors nito at sumalo sa fourth place sa Singapore, na mayroon ding qualified 22 athletes sa Paris.

Ang Thailand ang may pinakamaraming qualifiers sa 47, sumunod ang Indonesia na may  28 at  Malaysia na may 25, habang ang ibang bansa ay may kahit isang atleta na pupunta sa Paris.

Samantala, dumating si Marcial sa Team Philippines training camp sa Metz nitong Miyerkoles mula Washington DC kung saan nakipag-spar siya sa top US light heavyweights bilang paghahanda sa Olympics.

May 11 athletes na ngayon sa Metz—gymnast Carlos Yulo, swimmers Jarod Hatch at  Kyla Sanchez, rower Joanie Delgaco, weightlifters Elreen Ando, John Ceniza at Vanessa Sarno at Marcial at fellow boxers Paalam, Petecio, Hergie Bacyadan at Aira Villegas.