TARGET ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na maibalik sa normal ang kanilang operasyon sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.
Ipinagpatuloy ng LRT-2 noong nakaraang linggo ang partial operations, na nagseserbisyo sa mga pasahero sa pagitan ng Recto at Cubao stations, makaraang mapinsala ng sunog ang power rectifiers sa pagitan ng Anonas at Katipunan stations.
Gayunman, sinabi ni LRTA spokesperson Hernando Cabrera na ina-assess pa ng mga engineer ng train line ang pinsala.
“By Christmas ‘yun ang objective natin. That is, depende sa magiging resulta ng paghihimay sa nasirang parts,” ani Cabrera.
“If we are going to do a component-by-component replacement instead of doing a full unit replacement, we might be able to bring the time table down to around two to three months only, instead of a nine-month minimum,” dagdag pa niya.
Tinatayang nasa 200,000 commuters ang sineserbisyuhan ng LRT-2 na dumaraan sa limang siyudad sa Metro Manila.
Naunang sinabi ng mga awtoridad na aabutin ng siyam na buwan bago maibalik ng LRT-2 ang kanilang full operations dahil kailangan pang angkatin sa ibang bansa ang spare parts para sa pagkumpuni ng nasunog na power rectifiers.
Plano rin ng LRTA na magdagdag ng train sa kasalukuyang lima na naka-deploy sa LRT-2 line. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.