INIHAYAG ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Cheloy Garafil na higit sa 100 dating ruta ang kanilang target na buksan na sa pagbubukas ng klase sa Agosto 22.
Pero ayon kay Garafil, kailangan lang mag-apply ng bagong prangkisa para muling makapasada sa mga dating ruta.
Aniya, hinihintay din nila na maaprubaha ang kanilang rekomendasyon para sa pagdagragdag pa ng mga bus sa EDSA Bus Carousel.
Kasabay nito, nilinaw ni Garafil, na dalawang linggo na lang ang hindi nababayaran sa mga bus operator na nangtatrabaho sa kanilang programang libreng sakay o Service Contracting Program (SCP).
Nauna nang tiniyak ng Department of Transportation na sasapat ang mga pampublikong sasakyan para sa mga estudyante sa harap ng planong pagbabalik ng full face-to-face classes sa Nobyembre.
Samantala, umaabot na sa 162, 147, 489 mananakay ang naserbisyuhan na ng SCP hanggang Agosto 9 ng kasalukuyang taon.
Layunin ng SCP matulungan hindi lamang ang mga operator at driver na naapektuhan ang kabuhayan sa panahon ng pandemya at patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, bagkus ay layon din nitong ibsan ang gastusin ng ating mga komyuter higit lalo ang mga healthcare workers at iba pang sektor na umaasa sa pampublikong transportasyon.
Lubos naman ang pasasalamat ng DOTr at LTFRB sa bawat konduktor, drayber at operator na nakibahagi sa programa ng ahensiya. EVELYN GARCIA