TARGET COLLECTION NAHIGITAN NG BOC

NALAMPASAN ng Bureau of Customs (BOC) ang target collection nito para sa unang buwan ng 2024 na may P1.5-billion surplus.

Ayon kay BOC Assistant Secretary at Spokesperson Vincent Philip Maronilla, ang target ng ahensiya para sa Enero ay P71.779 billion, ngunit ang kanilang nakolekta ay nasa P73.329 billion

Aniya, ang pagtaas ng koleksiyon ay dahil sa programa ng BOC na mahigpit na bantayan ang pagpasok ng mga produkto, tugunan ang smuggling, at pagbutihin ang sistema at ang kapakanan ng mga empleyado ng ahensiya.

Ngayong buwan na ito ay sumobra kami sa mahigit kumulang P1.5 Billion na surplus. Ang target nami is supposed to be P71.779 billion lang, pero ang nakolekta ng Bureau of Customs is P73.329 billion,” sabi ni Maronilla sa isang televised briefing.

Inaasahan namin na makukuha namin ang mga target namin within the next few months pa hanggang buong taon na target, hindi lang po doon, nagsusumikap kami na makakamit pong malaking surplus para makatulong sa pagpopondo ng ating pamahalaan,” sabi pa niya.

Nasa halos P1 trillion ang target ng BOC na makolekta ngayong taon.