TARGET DRUG PERSONALITY NG PDEA, 4 PA NALAMBAT

OLONGAPO CITY-NAHULI ang isang drug suspek na kabilang sa target drug personality list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ang apat na iba pa sa ikinasang entrapment operation na humantong sa pagkakasamsam sa nasa P81,600.00 halaga ng shabu at pagkawasak ng isang drug den sa nasabing lalawigan.

Sa ulat na isinumite kay PDEA Director General Wilkins Villanueva ni PDEA-3 regional director Bryan Babang, matagal na nilang sinusubaybayan ang galaw ng nasabing suspek.

Kinilala ni Villanueva ang mga suspek na Sina Arsenio Santos @Boyet nasa Target list ng PDEA, Ar Pallorina @Alvin,51-anyos; Albert Oca @Bitong, 26-anyos; Ryan Ebba, 29-anyos; Richard Agustin,42-anyos, kapwa residente ng Olongapo City.

Itinuturing naman ng PDEA-3 na isang high impact ang nasabing operation na nagbunga ng pagkakasabat sa apat na maliit na heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 12 gramo na may tinatayang street value na P 81,600.00; sari-saring mga gamit sa droga; isang unit ng cellphone na Nokia; at ang marked money na ginamit ng poseur buyer.

Katuwang ng PDEA Region III, Pdea zambales at PNP units ang nasabing operasyon.

Kasalukuyang nakakulong sa PDEA-3 detention facility ang mga suspek.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. VERLIN RUIZ