(Target ipamahagi ngayong Agosto) FUEL SUBSIDIES SA PUV DRIVERS

PUVs

PLANO ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipamahagi ang fuel subsidies para sa public utility vehicle (PUV) drivers at operators ngayong buwan.

Ayon kay LTRB technical division chief Joel Bolano, hinihintay na lamang kapwa ng Department of Transportation (DOTr) at ng LTFRB ang pondo para sa fuel subsidy program.

“Ang target ng Department at ng LTFRB ay ma-implement fuel subsidy program para sa mga public utility vehicle operators and drivers hopefully before the end of August or within August ay ma-implement na ito basta ma-download na ang budget coming from the DBM (Department of Budget and Management),” ani Bolano.

Naunang sinabi ng LTFRB na may P3 billion ang inilaan para sa fuel subsidy sa pamamagitan ng call cards na maaaring gamitin ng PUV drivers sa mga piling gasolinahan.

Ang subsidiya ay upang mapagaan ang epekto ng magkakasunod na linggong pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Ang mga driver ng modern jeepneys at UV Express vans ay tatanggap ng tig-P10,000, habang ang mga driver ng traditional jeepneys ay pagkakalooban ng P6,500.

Samantala, ang tricycle at delivery riders ay tatanggap ng P1,000 at P1,200, ayon sa pagkakasunod.

Ipamamahagi ang one-time cash grant sa may 280,000 PUV drivers, habang ang 930,000 tricycle drivers at 150,000 delivery service riders ay matatanggap ang kanilang subsidiya mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Information and Communications Technology (DICT).

Umaapela ang ilang transport groups na ipamahagi na sa lalong madaling panahon ang fuel subsidies sa harap na rin ng hindi mapigilang oil price hikes.