(Target itayo sa Palawan) UNANG PH MEGA ECOZONE

PLANO ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na itayo ang unang mega economic zone ng bansa sa Puerto Princesa City, Palawan na may 26,000 ektaryang lupain.

Ayon kay PEZA Director General Tereso Panga,  ang mega ecozones ang trend sa Southeast Asia para makaakit ng malalaking investments.

“We want to see a cluster of industry in an area where the ecosystem can be developed to facilitate the whole supply chain in manufacturing, (a) vertical integration,” pahayag ng PEZA chief sa sidelines ng PEZA 28th Investors’ Night sa Pasay City kamakailan.

Ang mega ecozone ay magkakaroon ng sarili nitong suplay ng koryente, tubig at port.

Ayon kay Panga, angkop itong maging host ng buong supply chain ng electric vehicle industry.

Ang PEZA ay kasalukuyang nakikipag-usap sa Bureau of Corrections (BuCor) dahil ang land development ay tinatarget sa Barangay Iwahig, kung saan naroon ang penal colony.

Nakatakdang lumagda ang PEZA at BuCor sa isang memorandum of agreement ngayong buwan para sa paggamit ng ari-arian ng huli.

Ito ang magiging ika-5 ecozone ng PEZA matapos ang Baguio, Pampanga, Cavite, at Mactan sa Cebu.

“There is no available privately owned land in the Philippines of that scale. Otherwise, you go to the IPs (indigenous peoples) — big enough to accommodate those big-ticket projects,” ani Panga, ipinaliwanag kung bakit pinili ng PEZA na maging pag-aari ng publiko ang mega ecozone.

Hindi pa masabi ni Panga ang halaga ng pag-develop sa mega ecozone dahil magsasagawa pa ng pag-aaral ang PEZA para sa proyekto.

(PNA)