(Target nahigitan noong Mayo) P77.79-B NAKOLEKTA NG BOC

NALAMPASAN ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang revenue collection target ng higit 7% noong Mayo sa likod ng mas mahigpit na anti-smuggling measures na nagresulta sa pagkakakumpiska ng bilyon-bilyong pisong halaga ng
kontrabando.

Ang BOC ay nakakolekta ng P77.79 billion noong nakaraang buwan, mas mataas sa collection goal nito na P72.35 billion, at angat ng 17.36% kumpara noong nakaraang taon.

Dahil dito, ang revenue collection ng ahensiya sa unang limang buwan ng 2023 ay nasa P359.17 billion.

Ayon kay Commissioner Bienvenido Rubio, ang pinaigting na anti-smuggling operations ng ahensiya ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng illegal goods na nagkakahalaga ng mahigit sa P19 billion.

Kinabibilangan ito ng agricultural products, diesel, shabu, at iba pa.

Iniugnay rin ni Rubio ang mataas na revenue collection ng BOC sa paglipat nito sa digitalization, na ngayon ay nasa 96.39%, na nagpadali sa customs processes.

Sinabi pa ng commissioner na patuloy na nakikipagtulungan ang kanyang tanggapan sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para matiyak ang secured trade sa bansa.