TINATARGET ng Board of Investments (BOI) na makapagtala ng P1 trillion na halaga ng mga proyekto sa 2025.
Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) 2025, ang BOI ay naghahangad ng mas mababang investment pledges sa susunod na taon mula sa 2024 NEP target nito na P1.151 trillion.
Sa House Committee on Appropriations budget briefing ng Department of Trade and Industry (DTI) noong Miyerkoles, sinabi ni DTI Undersecretary at BOI Managing Head Ceferino Rodolfo na may ilang paghihigpit na kailangang tugunan upang patuloy na makaakit ng investments ang bansa, lalo na mula sa foreign sources.
Tinukoy niya ang ilang hamon na kadalasang binabanggit ng mga investor sa kanilang investment missions, kabilang ang ease of doing business, power, talent development, at incentives.
Ayon kay Rodolfo, isa sa mga inisyatiba ng pamahalaan para mapadali ang pagnenegosyo sa bansa ay ang paglalatag ng green lanes na magpapabilis sa pag-iisyu ng permits at licenses para sa strategic projects.
Gayunman, sinabi ni Rodolfo na ang mas mabilis na paproseso sa requirements na may kaugnayan sa pagsisimula ng negosyo ay kailangang maging available sa lahat ng sektor.
Samantala, ang BOI ay makakakuha ng 6 percent ng budget ng DTI para sa susunod na taon o katumbas ng mahigit P600 million.
Ang BOI top investment promotion agency ng bansa, na may pinakamalaking investment approvals.