HANGAD ng Department of Agriculture (DA) na makapagtayo ng 260 pang Kadiwa centers sa buong bansa sa susunod na taon.
Sa paglulunsad ng kauna-unahang Kadiwa ng Pangulo (KNP) Expo sa Philippine International Convention Center sa Pasay City nitong Martes, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na sa kasalukuyan ay mayroon nang 41 Kadiwa centers, na nagbebenta ng bigas sa P29 at P42 kada kilo, na naitayo sa buong bansa.
“Our target for the Kadiwa for the second quarter of next year is to add another 260 stores, hopefully by May to June next year, and the eventual target by 2028 is a total of 1,500 Kadiwa stores nationwide,” aniya.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Tiu-Laurel na ang pinagsamang expertise at resources ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang naging instrumento sa tagumpay ng KNP program at ng mga benepisyaryo nito.
Ang KNP, isang flagship project ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr., ay nagpapahintulot sa mga magsasaka at mangingisda, kasama ang agricultural sector, na maghatid ng accessible food products sa mga consumer.
“Sa pamamagitan ng KNP, matutulungan natin ang mga magsasaka na direktang makabenta ng kanilang mga produkto, dahil dito tataas ang kanilang kita habang natutulungan naman natin ang mga namimili na magkaroon ng access sa mas mura at mas masustansiyang pagkain. At ito ang mithiin ng ating Pangulo na walang magugutom sa bagong Pilipinas, ” sabi ni Tiu Laurel.
Tampok sa expo ang paglalantad sa “Bigger, Better, and More Kadiwa ng Pangulo Para sa Masaganang Bagong Pilipinas”.