INIHAHANDA na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang isang komprehensibong plano para sa paggabay sa crop sector ng bansa.
Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, ginugol ni Laurel ang unang buwan niya sa puwesto sa pakikipagpulong at pakikipagdiyalogo sa agriculture stakeholders, chief executives ng top producing provinces, at regional directors ng DA upang ihanda ang plano para sa 2024 at 2025.
Sinabi ng DA spokesperson na ilalabas ng Agriculture chief ang plano ng ahensiya na naglalaman ng mga target ng administrasyon ni Laurel simula sa 2024.
Ipinahiwatig ni De Mesa na magtatakda ang DA ng target na hindi bababa sa 3% output growth sa susunod na taon.
Ito ay makaraang bumaba ang agricultural output ng bansa ng 0.3% sa third quarter ng 2023 kasunod ng 1.2% decline sa second quarter, dahilan para ang production growth rate ng sektor para sa January to September period ay maitala lamang sa 0.2%.
“Ang priority ng ating administrasyon, through Secretary Tiu Laurel Jr., ay una palakasin ang lokal na produksiyon at paigtingin ang modernization ng sektor ng agrikultura at ma-involve ang ating mga stakeholders,” ani De Mesa.
Sa binubuong plano sa ilalim ng pamamahala ni Laurel, sinabi ng DA official na magkakaroon ng pagbabago sa pagba-budget ng mga aktibidad ng ahensiya.