(Target ng DA chief) P50-B BUDGET PARA SA SOLAR-POWERED IRRIGATION

NAIS ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na madagdagan ang budget ng kanyang ahensiya para sa solar-powered irrigation initiative nito.

“For the solar irrigation project under the General Appropriations Act, we have P250 million this year,” wika ni DA Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa.

Ayon kay De Mesa, para sa National Expenditure Program sa susunod na taon, “The instruction of Secretary Tiu Laurel… about P50 billion will be devoted to the solar irrigation project.”

Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa bisyon ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. na magkabit ng libo-libong solar-powered irrigation units upang matulungan ang mga magsasaka sa kanilang mga ani.

Ang pamahalaan ay naglaan ng P17 billion para sa Philippine Solar Irrigation Project ngayong taon, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).

Ang Philippine Solar Irrigation Project, ani De Mesa, ay isinumite sa National Economic and Development Authority (NEDA) para sa masusing pag-aaral ng Investment Coordination Committee (ICC).

Nauna nang sinabi ni Laurel na ang solar-powered irrigation ay kabilang sa mga hakbang na makapagpapagaan sa mga epekto ng El Niño phenomenon.

Ayon kay De Mesa, sa paggamit ng solar-powered irrigation ay makatitipid ang mga magsasaka ng P12,000 hanggang P15,000 kada ektarya.

Ang pagtaya ay base, aniya, sa halaga kada ektarya na ginagastos ng mga magsasaka sa diesel para paandarin ang kanilang  irrigation pumps.