(Target ng DA sa Hulyo) PRESYO NG BIGAS IBABABA SA P30/KILO

PLANO ng Department of Agriculture (DA) na ibaba ang presyo ng bigas sa P30 kada kilo sa Hulyo. 

Si DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa ay tinanong kung ang P30 presyo ng kada kilo ng bigas ay kayang makamit makaraang sabihin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na posible ito.

“Ito naman ay ginagawa na ng National Irrigation Administration, Kadiwa dahil meron silang tinatawag nating contract farming,” pahayag ni De Mesa sa panayam sa Unang Balita.

Sa contract farming sa pagitan ng  National Food Authority (NFA) at ng mga kooperatiba ng mga magsasaka, sinabi ni De Mesa na ang production inputs ay isa-subsidize ng pamahalaan.

“In return ay ibebenta nila ‘yung palay sa NFA. Sigurado tayo na mas magiging mura ‘yung production input at dahil dito ay merong pagkakataon talaga na maibenta ng mas mura sa pamilihan ‘yung palay,” aniya.

Noong Linggo, sinabi ng DA na ang presyo ng local regular milled rice ay nasa P50 kada kilo, habang ang local well-milled rice ay P48 hanggang P55 kada kilo.

Para sa imported commercial rice, ang regular milled rice ay nagkakahalaga ng  P48 hanggang P51 kada kilo, at ang well-milled rice ay nasa P51 hanggang P54.