NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga government financial institution, maging sa mga pribadong bangko na maglagay ng isang sistema para matustusan ang halos 6.5 milyong housing backlog sa buong bansa.
Ginawa ng Pangulo ang panawagan sa kanyang pakikipagpulong kina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Acuzar, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla, at mga pinuno ng Bureau of the Treasury, Pag-IBIG, Government Service Insurance System (GSIS), Philippine National Bank (PNB), at Land Bank of the Philippines.
“I think we can, there should be sufficient incentives… [an] arrangement for the private banks to come in,” pahayag ng Pangulo.
Nagpahayag naman ng kahandaan ang mga kinatawan ng mga pribadong bangko na sumuporta sa panawagan ng Pangulo at nangakong tutulong sa pagbalangkas ng financing system para sa housing program ng administrasoyng Marcos.
Samantala, target naman ng DHSUD na magtayo ng isang milyong bahay kada taon o anim na milyong bahay sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Acuzar, kailangan nila ng P36 bilyong pondo kada taon ko para sa pagtatayo ng naturang housing projects.
EVELYN QUIROZ