(Target ng LTFRB) LONG-TERM  FUEL SUBSIDY SA PUJ DRIVERS

PINAG-AARALAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang posibilidad ng pagpapatupad ng long-term fuel subsidy program para sa public utility jeepney (PUJ) drivers simula sa susunod na taon.

“Pinag-uusapan na rin po ‘yan for next year, na kung maaari hong maipagpatuloy natin ang ganitong programa,” wika ni LTFRB NCR Director Zona Tamayo sa isang public briefing.

Ginawa ng LTFRB ang pahayag kasabay ng babala sa mga benepisyaryo na hindi maaaring gamitin ang subsidiya sa ibang bagay maliban sa pagbili ng petrolyo.

“Ayaw natin mangyari ‘yung tinatawag pong ma-flag ‘yung kanilang account kasi po we’re looking at a long-term program for fuel subsidy. Kaya palagi po nating pinapaalalahanan ang ating beneficiaries na gamitin po talaga ‘yung card para lang ho [sa fuel purchases],” dagdag pa niya.

Ayon kay Tamayo, ang mga pasaway na jeepney driver ay maaaring masuspinde o makansela ang kanilang prangkisa.

Sa kasalukuyan, ang LTFRB ay nakapamahagi na ng mahigit sa kalahati, o P560 million, ng P1 billion na ayuda ng pamahalaan sa mga benepisyaryo na apektado ng serye ng oilprice hike. Nagsimula ang distribusyon noong Miyerkoles, Nobyembre 24.

Sa 136,000 benepisyaryo, may 85,000 na ang may existing fuel subsidy cards kung saan ipinapasok ang ayuda. Sa ilalim ng kasalukuyang  programa, ang bawat  jeepney driver ay tatanggap ng  one-time aid na P7,200.

Target ng LTFRB na matapos ang pamamahagi ng cards sa nalalabing 51,000 benepisyaryo sa una o ikalawang linggo ng Disyembre.

Maaaring gamitin ng mga jeepney driver ang kanilang subsidiya sa anumang outlets ng Petron, Shell, Seaoil, Total, Jetti, Rephil, Caltex, Petro Gazz, Unioil, at Phoenix Petroleum.