TARGET ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na maaprubahan ang P250 billion na investments sa 2024.
Ayon kay PEZA Director General Tereso Panga, nais ng investment promotion agency (IPA) na makabalik sa peak level nito kung saan inaprubahan nito ang P300 billion na halaga ng mga proyekto.
“We’re looking at PHP202 billion in investments by 2024… I would say, it’s still conservative. We really want to target PHP250 billion plus because this will bring us back to the peak levels of PEZA during the time of Atty. (Lilia) de Lima, when we were getting PHP250 (billion to) PHP300 billion,” sabi ni Panga.
Ang lower end ng approvals target sa susunod na taon ay mas mataas ng 15 percent habang ang high-end target ay mas mataas ng 42 percent kumpara sa P175.71 billion investment pledges na nairehistro ng PEZA ngayong taon.
Kumpiyansa si Panga sa performance ng IPA sa susunod na taon dahil may big-ticket projects na binubuo, tulad ng economic zone development at electric vehicle manufacturing, na nakatakdang aprubahan sa kaagahan ng 2024.
Idinagdag ni Panga na hangad ng PEZA na mapanatili ang upward trajectory ng investments sa susunod na taon, na suportado ng lumalawak na interes mula sa mga investor sa Australia, China, South Korea, kung saan may free trade agreement ang bansa, at European Union, kung saan nakikinabang ang Pilipinas sa Generalised Scheme of Preferences Plus.
Aniya, ang outbound mission ng PEZA, kabilang ang official foreign trips ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr., ay nakapag-ambag sa umigting na interes ng foreign companies sa paghahanap ng business opportunities sa Pilipinas.
Ang PEZA ay nakakuha ng investment pledges na nagkakahalaga ng P1.4 billion sa outbound mission nito sa United States mula Jan. 4 hanggang 14, P10.8 billion mula sa outbound mission sa Japan sa Junca Holdings, P8.32 billion sa China noong Sept. 14-21, P20.6 billion mula sa Taiwan mission noong Oct. 23-27, at P1.8 billion mula sa United Arab Emirates sa Nov. 6-10 outbound mission.
Sinamahan din ng IPA si President Marcos sa kanyang pagbisita sa Tokyo, Japan noong Feb. 8-12, nang makapag-uwi ang delegasyon ng investment pledges na nagkakahalaga ng P720.91 billion.
Samantala, ang pinakamataas na investment approvals ng PEZA ay noong 2012 na may project registrations na nagkakahalaga ng P312 billion, sumusunod ang P295 billion noong 2015 at P279 billion noong 2014.
(PNA)