(Target selyuhan sa Setyembre) PH-KOREA FREE TRADE AGREEMENT

PUNTIRYA ng Pilipinas at ng Republic of Korea (ROK) na lagdaan ang bilateral free trade agreement (FTA) sa susunod na buwan, ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual.

Sina Pascual at South Korea’s Trade, Industry and Energy Minister Ahn Duk-Geun ay nagkita sa sidelines ng 55th ASEAN Economic Ministers Meeting sa Semarang, Indonesia noong Linggo.

“Both Ministers welcomed the conclusion of the PH-ROK FTA negotiations and agreed to work for its signing, preferably at the sidelines of the 24th ASEAN-Republic of Korea (ASEAN-ROK) Summit in September 2023,” wika ni Pascual sa isang post sa Facebook.

Ang 24th ASEAN-ROK Summit ay idaraos sa Jakarta, Indonesia sa susunod na buwan.

Sina Pascual at Ahn ay naunang nagpulong sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre ng nakaraang taon, kung saan target ng dalawang trade ministers na selyuhan ang FTA sa first quarter ng 2023.

Gayunman, ang Seoul ay naging abala sa paghahanda para sa presidential elections nito noong nakaraang taon. l
Samantala, hindi pa naglalabas ng statement ang South Korea’s Ministry of Trade, Industry and Energy (MOTIE) sa paglagda sa Philippines-ROK FTA.

“In time for the celebration of the 75th anniversary of Philippines-Korea diplomatic relations, both ministers are also considering organizing a business forum to further boost trade and investment relations,” dagdag ni Pascual.

-(PNA)