TARIPA SA RICE IMPORT APRUB NA

APRUBADO na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7753 o ang Rice Ta­riffication Bill na priority measure ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ilalim ng panukala ay tinatanggal ang limit sa importasyon ng bigas at ipinauubaya naman ang rice importation sa pribadong sektor pero may katapat na taripa.

Itinatakda ng panukala ang taripa na 35 porsiyento sa aangkating bigas sa mga miyembro ng ASEAN habang 40% naman kung ang import na bigas ay mula sa mga bansang hindi kasapi sa ASEAN.

Pinapayagan pa rin naman ang National Food Authority (NFA) na mag-angkat ng bigas pero para lamang ito sa pagtiyak ng food security at pag-maintain ng buffer stock na sapat para sa 15 araw.

Lilikha rin ng rice competitiveness enhancement fund mula sa duties na makokolekta sa pag-aangkat ng bigas.

Samantala, magpapasok ng amendments sa Rice Tariffication Bill ang Magnificent sa Kamara upang mabigyan ng proteksiyon ang mga magsasaka sa bansa.

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, pina­ngangambahan na hindi magagamit sa interes ng mga magsasaka ang rice fund na nakapaloob sa rice tarrification.

Imumungkahi ng kongresista ang automatic appropriation sa rice fund sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) at hihilingin din sa Department of Budget and Management (DBM) at Department of Agriculture (DA) ang periodic release ng pondo. CONDE BATAC

Comments are closed.