TASK FORCE BINUO VS KILLER NG OMBUDSMAN ADMIN AIDE

BUMUO ang Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni Director BGen. Nicolas D Torre III ng Special Investigation Task Group (SITG) para imbestigahan ang naganap na pamamaril sa isang empleyado ng Ombudsman kung saan nagtamo ng isang tama ng bala na tumama sa kanang bahagi ng dibdib ng biktima sa kamakalawa ng umaga sa Quezon City.

Sinabi ni Torre III, ang SITG “Paguirigan” ay pamumunuan ni QCPD Deputy District Director for Operations (DDDO) Col. Melecio M Buslig Jr, bilang SITG Commander at Lt. Col. Zyrus Michael C Serrano, Chief, Quezon City-Criminal Investigation and Detection Group (QCCIDG) bilang Assistant SITG Commander at siyam pang miyembro.

Layunin ng SITG na mapadali ang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril sa biktima at matukoy at maaresto ang mga salarin.

Idinagdag ni Torre III na lahat ng posibleng anggulo ay isasaalang-alang bukod sa mga testimonya ng mga nakasaksi.

Idinagdag din nito na ang mga imbestigador ay nangangalap na ngayon ng iba pang ebidensiya na kinabibilangan ng closed circuit television (CCTV) recordings na nakunan ang insidente na maaaring humantong sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Nanawagan din ang Hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit na si PMAJ Don Don Llapitan sa mga motoristang may mga dash camera na nakakabit sa kanilang mga sasakyan na maaaring mag-record ng insidente na lumapit at tumulong sa imbestigasyon.

Batay sa ulat, nitong Pebrero 1 bandang alas-8:20 ng umaga habang naghihintay ng masasakyan ang biktimang si Dianne Jane Paguirigan, admin aide v1 ng Ombudsman papunta sa kanyang opisina sa harap ng RCBC Bank sa kahabaan ng Quezon Avenue corner Cordillera St., Brgy. Doña Josefa, Quezon City, biglang sumulpot ang hindi pa nakikilalang lalaking suspek, bumunot ng baril, tinutukan ang biktima at puwersahang hinablot ang bag bago pinagbabaril na tumama sa kanang dibdib.

Agad namang tumakas ang suspek patungo sa Quezon City Circle habang ang biktima ay isinugod sa Capitol Medical Center para magamot at kritikal pa rin ang kondisyon. EVELYN GARCIA