ISANG task force ang binuo ng lokal na pamahalaan ng Makati na magbabantay sa posibleng pagpasok ng monkeypox sa lungsod upang maiwasan ang community transmission ng nakahahawang sakit.
Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, binuo ang task force upang mabigyan ng tamang impormasyon ang mga Makatizen tungkol sa virus gayundin upang maiwasan ang pagkalat ng fake news.
Sinabi ni Binay na sa kasalukuyan ay wala pa namang naitatalang kaso ng monkeypox sa lungsod.
Nauna dito ay sinabi ni Binay na nakapagsagawa na rin ng training at seminar ang Makati City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU sa mga frontliners na nakatalaga sa 26 barangay health centers nito lamang nakaraang Hunyo 7 at 23 upang malaman ang mga dapat gawin kung sakaling may magpositibo sa monkeypox sa kanilang mga lugar na nasasakupan.
Dagdag pa ni Binay ay nakipag-coordinate na rin ang CESU sa Ospital ng Makati (OsMak), Makati Medical Center (MMC), at St. Clare’s Medical Center (SCMC) na sila ring tutulong sa pagmo-monitor ng mga papasok na kaso sa lungsod.
Sa kabila ng pagbabantay sa posibleng pagpasok ng kaso ng monkeypox sa lungsod ay ipagpapatuloy pa rin ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng minimum public health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, pagsunod sa physical distancing, at paghuhugas ng mga kamay.
Sinabi ni Binay na kung sakaling may makapasok na kaso ng monkeypox sa lugnsod ay agad itong ire-refer ng CESU sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa tamang pagsusuri.
Kung magpositibo sa monkeypox ang isang tao, plano ng CESU na gamitin ang isa sa tatlong gusali ng Makati Friendship Suites sa Barangay Cembo para ma-monitor, ma-isolate at magamot ang pasyente.
Hinikayat din ni Binay ang mga residente na ireport ang mga taong may sintomas ng monkeypox sa CESU sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang hotline numbers na (02) 8870-1445, (02) 8870-1446, 09270727794, 09280492927, at 093906756. MARIVIC FERNANDEZ