IGINIIT ni Committee on Economic Affairs Chairman Senator Win Gatchalian sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Energy (DOE) na bumuo ng task force na tututok sa nakatakdang dagdag- fuel excise tax.
Aniya, ito ang magbabantay at titiyak na walang negosyanteng makapagsasamantala sa muling pagtaas ng dagdag na buwis sa produktong petrolyo.
Layon nito na mapaghandaan ang itinatakda ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law, simula Enero 1, 2019 ay papatawan ng dagdag na 2-piso ang excise tax sa kada litro ng gasolina at krudo.
Giit ni Gatchalian, dapat siguraduhin ng DTI at DOE na hindi ito makaaapekto sa retail price ngayon ng petrolyo dahil hindi naman bagong import ang kasalukuyang ibinebenta ng mga kompanya ng langis.
Kasabay nito, umaasa si Gatchalian na nakahanda ang mga economic manager sa nakatakdang pagtaas ng inflation rate bunga ng ikalawang bugso ng dagdag na buwis sa langis.
Diin ng senador, hindi na dapat maulit ang kakulangan ng paghahanda ng economic managers noong nakaraang taon laban sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. VICKY CERVALES
Comments are closed.