HINILING ni Senador Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na bumuo ng isang task force na magbabantay sa pagpapatupad ng dagdag na excise tax sa mga produktong petrolyo ngayong Enero.
Ayon kay Gatchalian, layon nito na maprotektahan ang mga consumer mula sa mga mapagsamantalang negosyante kaugnay sa ikatlo at huling tranche ng dagdag buwis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na epektibo kahapon.
Sa nasabing dagdag na excise tax, tinatayang aabot sa P1.01 kada litro ang karagdagang presyo sa gasolina, P1.65 kada litro naman sa diesel at para sa 100% coal contracted power distribution utilities, inaasahan na ang magiging rate impact nito ay aabot sa P0.03 per KwH.
“Kailangang paigtinging mabuti ng Department of Energy (DOE) ang pagbabantay laban sa hoarding at profiteering sa bansa ngayong nakaamba ang dagdag na excise tax sa huling pagkakataon,” wika ni Gatchalian.
“Huwag na nating hayaan ang ilang mapagsamantalang retailers na ibenta sa mataas na halaga ang kanilang mga lumang imbentaryong produkto gayong nabili nila ito bago pa man maimplementa ang third tranche ng excise tax sa fuel,” dagdag pa ng senador.
Ayon kay Gatchalian, ang mga kompanya ng langis ay may minimum inventory na katumbas ng 15 araw na supply ng produktong petrolyo alinsunod sa Department Circular No. 2003-01-001 ng DOE o ang ‘Implementing Guidelines for the Minimum Inventory Requirements of Petroleum of Oil Companies and Bulk Suppliers’.
Gayundin, nanawagan ang senador sa DOE na busisiin din ang inventory ng coal plants.
Kaugnay nito, hiniling ni Gatchalian sa Department of Trade and Industry (DTI) na tutukan ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado upang masigurong hindi sasamantalahin ng mga negosyante ang magiging epekto ng pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo na resulta ng ipinatutupad na TRAIN law.
“Mabigat na sa bulsa ng bawat isa ang pagpataw ng excise tax sa krudo. Sana naman ay huwag na nating dagdagan ang pasanin ng taumbayan sa pamamagitan ng hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” diin ni Gatchalian. VICKY CERVALES
Comments are closed.